UMUUSAD na sa Senado ang Waste-to-Energy Bill.
Kung hindi ako nagkakamali, layon ng panukala na makapaglatag ng polisiya at regulatory framework para sa waste-to energy (WTE) technologies.
Ayon kay Sen. Bong Revilla, hindi dapat magsayang ng oras at dapat na raw itong ipasa sa lalong madaling panahon.
Siya ang co-sponsor ng Senate Bill No. 2267 sa ilalim ng Committee Report No. 91.
Ang masipag ding senador ang principal author ng Senate Bill No. 989 na isa sa mga panukala na kabilang sa iniulat na consolidated bills ni Sen. Raffy Tulfo, chairman ng Committee on Energy.
Aba’y sina Sens. Win Gatchalian, Francis Tolentino, Tulfo at Senate President Juan Miguel Zubiri ay pawang nagsumite rin ng kanya-kanyang bersyon ng panukala.
Binigyang-diin ni Revilla ang kahalagahan ng pagpasa ng panukala.
Tunay na makatutulong daw ito para maresolba ang lumalagong problema ng waste pollution sa bansa na nagiging banta lalo na sa panahon ng tag-ulan.
“Napakaimportante po na maisabatas natin ang Waste-to-Energy Law. Dahil bagama’t marami na ring naipasa at ipinatutupad na batas patungkol sa pagresolba sa problema ng basura kagaya ng RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at RA 11898 o ang Extended Producer Responsibility Act of 2022, tambak at patuloy pa rin pong dumarami ang basura,” wika ni Revilla.
Sa kasalukuyan nga naman, ayon kay Revilla, mas dama natin lalo na ngayong panahon ng tag-ulan ang masalimuot na epekto ng problemang ito.
Sa katunayan, aniya, laging kalat ang mga inaanod na basura sa mga lansangan at mga daluyang tubig pagkatapos ng baha.
Paulit-ulit daw itong nangyayari dahil parami rin nang parami ang nage-generate nating basura.
Binanggit niya ang pag-aaral ng Science Advances journal na nagsasaad na ang Pilipinas ang nangunguna sa listahan ng mga bansang tila gabundok na ang nakakalat na plastik sa karagatan.
Tinuran din ng United Nations Environment Programme (UNEP) noong 2018 na halos nasa kalahati ng plastic wastes na humantong sa karagatan ay mula sa mga bansang China, Indonesia, Pilipinas, Thailand, at Vietnam.
Tama nga naman si Revilla.
Naku, nakapanlulumong malaman na isa tayo sa mga bansang may pinakamaraming basura na dumurungis sa ating kapaligiran.
Nagdudulot ito ng kapahamakan sa ating mga kababayan.
Samantala, tinanggap na pala mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Expenditure Program (NEP) para sa Fiscal Year 2024 mula kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman nitong Martes, Hulyo 25.
Nangyari ito isang araw makaraan ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM.
Ang NEP para sa susunod na taon ay nagkakahalaga ng P5.768 trilyon o 9.5% na mas mataas sa 2023 General Appropriations Act (GAA).
Walang ibang layunin ang NEP o President’s Budget kundi ang pataasin ang purchasing power ng mga Pilipino at panatilihin ang paglago ng ekonomiya ng ating mahal na bansa.