WASTEWATER INTERCEPTOR PROJECT INILUNSAD NG PRRC

pasig river-2

SINIMULAN ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) kaagapay ang iba pang partner ang konstruksiyon ng Wastewater Interceptor Project sa Estero de la Reina na bahagi ng Barangay 56 at 58 sa Lungsod ng Maynila kamakailan.

Sa pangunguna ni PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia, kasama ang Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad), Metropo­litan Waterworks and Se­werage System (MWSS) at ang lokal na pamahalaan ng Maynila, ikinasa sa makasaysayang araw na iyon ang proyekto upang matiyak na nakakonekta ang lahat ng kabahayan sa maayos at gumaganang sewerage system bago pa man maitayo ang environmental preservation area sa nasabing estero.

“Tunay na isang kahanga-hangang manipestasyon ang Sagip Estero, Balik Sigla Wastewater Interceptor Project na bunga ng matatag na pagtutulungan matapos ang mga naunang pakikipagtalakayan sa publiko at mga pribadong sektor at sadyang ginawa tungo sa maayos at pangmatagalang public welfare program at preserbasyon ng ating kalikasan,” pahayag ni Goitia.

Kasama ni Goitia sina Maynilad President and CEO Ramoncito S. Fernandez at MWSS Administrator retired General Reynaldo V. Velasco sa unang araw ng paggawa ng wastewater interceptor project na magbabawas ng libo-libong litro ng domestic wastewater na dating diretsong tumatapon sa mga tributaryo na kalaunan namang dadaloy patungong Ilog Pasig.

Kung hindi naisagawa ang nasabing partnership, gagastos pa ang bawat bahay ng mahigit sa P50,000 para makakonekta sa se­werage service.

Iginiit naman ni Fernandez sa kanyang talum­pati ang kahalagahan ng inisyatibo hindi lamang para mapataas ang kalidad ng tubig ng Ilog Pasig kung hindi higit pa ang mabuting maidudulot nito sa kalusu­gan ng komunidad.

Samantala, binigyang diin ni Velasco ang matibay na kooperasyon ng publiko at mga pribadong sektor tungo sa mabilisang rehabilitasyon ng ating mga tributaryo at ng Ilog Pasig.

“Ang mahigpit na kooperasyon ng publiko at pribadong sektor ay malaki ang maitutulong para makamit ang isang malinis at buhay na Ilog Pasig. Umaasa kami na maisasagawa rin natin ito sa iba pang mga estero at daluyang tubig sa lalong madaling panahon,” pagsang-ayon ni Goitia.

Comments are closed.