WASTONG GAMIT NG SALITA

WIKA

SA PAGSUSULAT, dapat na isaalang-alang ng awtor o manunulat na maintindihan ng target na mambabasa ang kanyang akda. Marami ang masasabing malikhain at magandang magsulat ngunit burara naman sa ispeling at gramatika. Importante rin siyempre sa pagsusulat ang tamang ispeling. Lalong-lalo na ang gramatika.

At bilang manunulat, obligasyong maituturing na maituro sa mga natatanging mambabasa o tina-target na mambabasa ang tamang gamit ng salita,  ispeling,     gramatika at kung ano-ano pa. Kaya’t hindi basta-basta ang pagsusulat, gaya ng iniisip ng marami. Pinag-iisipang mabuti iyan. Pinipili ang bawat katagang gagamitin. Hinihimay ang bawat pangungusap na bubuuin.

Tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na reb­yuhin ang mga umiiral na patakaran, pagmungkahi at pagpapatupad ng mga kaukulang rebisyon ng wikang Filipino. Layon nito na magkaroon ng estandardisasyon ang wikang pambasa sa pamamagitan ng pagpapalit ng “F” sa “P” ng Pilipino. At pati na rin sa pagsasalegal ng ilang hiram na salita.

Matibay na isinusulong ng KWF ang kapasiyahan na gamitin ang “Filipino” imbes na “Pilipino” bilang pantukoy sa tao at kultura ng ating bansa ayon sa Board Resolution 15 – 08 ng 2015.

Sa pagpapalit ng tawag sa wikang pambansa sa “Filipino”, naniniwala ang KWF na mas magkakaroon ng malawak na representasiyon ang iba’t ibang grupo sa bansa. Matatandaang Tagalog ang kasalukuyang tawag sa pambansang wika.

KWF MANWAL SA MASINOP NA PAGSULAT: PAGBAYBAY NA PASULAT

4.8 Espanyol Muna, Bago Ingles

Iminumungkahi ang pagtitimpi sa lubhang pagsandig sa Ingles. Sa halip, maaaring unang piliin ang singkahulugang ng salita mula Espanyol, lalò’t may nahahawig na anyo, dahil higit na umaalinsunod ang wikang Espanyol sa bigkas at baybay na Filipino kaysa Ing­les. Higit na magaang basáhin (at pantigin) ang estandardi­sasyón (estandardizacion) mula Espanyol kaysa “istandard-iseysiyon” (standardization) mula Ingles, ang bagáhe (bagaje) kaysa “bageyds” (baggage), ang birtúd (virtud) kaysa “virtyu” (vir-tue), ang ísla (isla) kaysa “ayland” (island), ang imáhen (imagen) kaysa “imeyds” (image), ang sopistikádo (sofisticado) kaysa “so-fistikeyted” (sophisticated), ang gradwasyón (graduacion) kaysa “grad­weysiyon” (graduation).

WIKANG FILIPINO: ISANG BUHAY NA WIKA

Maituturing ding ang wikang Filipino ay isang buhay na wika   at patuloy na nagbabago, dahil hindi lamang ito ukol sa mga salita at letra na ginagamit natin sa araw-araw kundi sumasalamin din ito sa karanasan, kultura at pamumuhay ng mamamayan.

Sa bawat pagdaan ng mga panahon, maraming salita ang nauuso. Ilan nga sa mga salitang ito ay ang lobat (2006), miskol (2007), jejemon (2010), wangwang (2012), at selfie noong 2014. Indikas­yon ang mga ito na patuloy na lumalago ang wikang pambansa.

UP DIKSIYONARYONG FILIPINO, GINAGAMIT NA BATAYAN

Napagkasunduan ng PILIPINO Mirror, na upang magkaroon ng gabay ang grupo, gamitin ang UP Diksiyonaryong Filipino, Binagong Edisyon bilang batayan. Marahil ay marami ang nagtataka sa paggamit namin ng Filipino imbes na Pilipino at Filipinas imbes na Pilipinas. Gaya ng hangarin ng KWF at ng tagapangulo nito na si National Artist Virgilio S. Almario, nais din naming maitama o maituro sa aming mambabasa ang kahalagahan ng paggamit ng tama o wastong salita, baybay, ispeling, gramatika at marami pang iba na may kinalaman sa wika.

At sa paggamit namin sa UP Diksiyonaryong Filipino bilang batayan sa paggamit ng wika/salita, nangangahulugan lamang itong “sumusunod kami sa takbo ng panahon”.  CT SARIGUMBA