ISUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagtuturo sa lahat ng antas ng paaralan ng wastong paggamit ng salapi o ang subject na Economics and Personal Finance (EPF).
Ayon sa senador, makatutulong ito upang maiangat ang antas ng financial literacy o sapat na kaalaman sa tamang paggamit ng salapi.
Sa ilalim ng Senate Bill 1192 o ang ‘Economics and Financial Literacy Curriculum Act of 2019’ na inihain ni Gatchalian, kakailanganin ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo na kumuha ng kursong EPF bago makapagtapos.
Sa elementarya, ilan sa mga pag-aaralan ang pag-iipon, paghahanda ng budget at tamang pagpapasya sa mga gastusin. Sa high school at kolehiyo naman tatalakayin ang mga mas komplikadong usapin tulad ng credit, investments, mortgages at yaong tinatawag na retirement planning.
“Halos 18 taon o higit pa ang ginugugol ng mga bata sa pag-aaral, ngunit nagtatapos silang kapos ang kaalaman sa tamang paggamit ng pera o salapi. ‘Pag nagtatrabaho na sila, ginagawa nilang biruan ang petsa de peligro, pero hindi biro ang kakulangan nila ng kaalaman pagdating sa paghahanda sa kanilang kinabukasan,” ani Gatchalian.
Ayon sa Global Financial Literacy survey na isinigawa ng kompanyang Standard & Poor’s, 25 porsiyento lamang ng mga Pinoy ang maituturing na financially literate.
“Sa paghahain natin ng ganitong batas, matuturuan natin ang mas maraming kabataan na maging mas responsable at handa lalo na’t darating ang panahon na aako sila ng mas maraming responsibilidad,” pahayag ng senador.
Ayon pa kay Gatchalian, palalakasin ng panukalang batas ang mga kasalukuyang programa ng ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance (DOF) at Department of Education (DepEd).
“Magandang mayroon na tayong mga programa tungkol sa tamang paggamit ng salapi pero sa ating panukalang batas, palalakasin natin ang mga programang ito para maturuan nang husto ang mga kabataan,” ani Gatchalian.
Upang masigurong maituturo nang maayos ang naturang kurso sa mga mag-aaral, kailangan ng tamang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng DepEd at BSP upang iangat ang kakayahan ng mga guro. Dapat din aniyang magkaroon ng pagsasanay ang mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor dahil madalas silang bahagi ng mga programa sa financial literacy.
Inaasahan ni Gatchalian na mahihikayat ng panukalang batas ang maraming mga Pinoy na mag-ipon at maging responsable sa mga usaping pinansiyal. VICKY CERVALES