By Reynaldo C. Lugtu, Jr.
ANG tamang paggamit ng pera na napananatili natin nang matagal ay sa pamamaraan ng wastong paggamit nito – bilang pambayad sa mga kinakailangang bayaran, at sa pamamagitan ng pagtatabi nito nang sa gayon ay may mapaghugutan sakaling magipit.
Ang pagiging disciplinado sa paggamit ng pera ay nakatutulong upang mabuo ang ating behavior o fiscal intelligence. Hindi ito natututunan sa loob ng isang araw lamang – bagkus, sa loob ng maraming taon hanggang sa tayo ay humahawak ng pera.
Ang tao ay maaaring maihanay sa dalawang klase: sa wikang Ingles ito ay ang tinatawag na (1) Keeping up with the Joneses o kaya naman ay ang pangkat na (2) Staying in your lane. Talakayin natin ang bawat isa.
Keeping up with the Joneses
Isa itong idiomatic expression na sa madaling sabi ay mahilig sumabay sa mga may kaya o mayayaman kahit hindi naman talaga kaya o nagpapanggap lamang. Ang mga taong sanay “to keep up with the Joneses” ay gagawin ang lahat makasabay lamang sa kung ano ang uso o kung ano ang mahal kahit pa ipangutang ang pambayad sa mga ito.
Ang mga mahilig gawin ito ay hindi sanay na maihalintulad sa “average” o sa tamang klase ng pamumuhay lamang at mas ninanais ng mga ito ang maikumpara sa mga tunay na mayayaman kahit hindi naman talaga sila mayaman.
Hindi pinangangahalagahan ang pera ng mga ganito tao sapagkat ang tingin nito sa pera ay para gastusin lamang – at hindi nangangahulugan na wastong paggamit ito – upang makamit ang maling pakay na makitaang bigatin sa pera, ngunit salungat naman ang tunay na realidad.
Staying in your Lane
Ito ay nangangahulugan na pumipirmi ka lamang sa buhay na abot kaya, na hindi kailangang ipangutang para lamang magbigay ng maling imahe sa publiko. Ito rin ay ang pagiging totoo sa iyong sarili na ang iyong mga kinikilos at pinipiling gawin o bilhin ay angkop sa lalim ng bulsa.
Nariyan ang mga sitwasyon na pipiliing kumain sa mas abot-kayang restaurant imbes na gastusin ang buong buwan na budget sa isang mamahaling steak house. Isang halimbawa rin ang pagdaraos ng kaarawan o paggastos patungkol dito sa mga bagay na hindi ganoong kamahalan dahil iyon lamang ang kaya, kaysa ipangutang ang pambayad upang maidaos ito sa mas marangyang lugar.
Malaking bagay rin ang pagpapahalaga sa salapi ng mga magulang upang matuto ang mga bata sa tamang paggamit sa pera. Kung ang magulang ay masinop, marunong magtipid at hindi naiimpluwensiyahang makisabay nang hindi naman kinakailangan, malaking aral ang maidudulot nito sa mga anak habang sila ay lumalaki sapagkat dito makikita o mapi-pick up ang behavior o fiscal maturity pagdating sa salapi. Sa kabilang dako, kung puro gastos at puro palabas ang pera at wala man lang naitatabi dahil sa hindi tamang paggamit ng pera ay hindi malayong ganito rin ang matutunan ng mga bata at mabitbit nila sa kanilang pagtanda.
Ugaliing lumugar lamang sa pamumuhay nang naaangkop sa ating estado sa buhay. Mahirap ang maihanay sa mga nagpapadala o gustong makisabay sa mga sitwasyon na hindi lamang nararapat kundi hindi rin naman importante. Bigyan halaga ang perang kinikita at ilaan ito sa mga importanteng bagay, kabilang na rin ang pag-iimpok para sa ating katandaan.
Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kompanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa [email protected]