WATANABE KAKASA SA TOKYO OLYMPICS

Kiyomi Watanabe

TULAD sa nakalipas na Asian Games, si Kiyomi Watanabe ay may kakayahang manorpresa sa nalalapit na Tokyo Olympics.

Ayon kay Dave Carter, presidente ng Philippine Judo Federation (PJF), dahil sa kanyang track record ay malaki ang posibilidad na magwagi ang 24-anyos na Fil-Japanese ng medalya, o masungkit ang kauna-unahang Olympic gold ng bansa.

Tinukoy niya ang silver medal feat ni Watanabe sa 2018 Asiad sa Jakarta kung saan muntik na niyang masikwat ang gold. Nagkasya si Watanabe sa runner-up finish kontra Nami Nabekura ng Japan sa women’s -63 kg class.

“Kagaya lang din nung lumaban siya ng Asian Games nung nakaraan. It happened. She defeated Korea and the others na nandun sa bracket niya. Kaya anything is possible talaga,” sabi ni Carter sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum online edition kahapon.

“Lahat possible. Hindi natin nililimitahan ‘yung kakayanan ng ating manlalaro. Malakas itong player natin na ito, pati ‘yung puso niya. Talagang fighter ito.”

Si Watanabe ay nakapasok sa Tokyo Games via continental quota “as certified by the International Judo Federation,”upang maging unang Filipina judoka na nagkuwalipika sa Olympics, at ikatlong sunod na Philippine bet sa judo na sasabak sa quadrennial meet matapos nina Tomohiko Hoshina at Kodo Nakano noong 2012 sa London at 2016 Rio De Janeiro editions, ayon sa pagka-kasunod.

At walang sinasayang na oras ang 39th ranked player sa mundo para paghandaan ang pinakamalaking laban sa kanyang career.

Si Watanabe, isang four-time Southeast Asian Games gold medalist, ay puspusang nagsasanay sa Waseda University sa Japan, kuhg saan siya kasalukuyang naka-base, sa ilalim ng kanyang sensei na si Yazaki Yuta, gold medal winner (-90 kg) sa 2002 Asian Games sa Busan, South Korea.

Ang judo sa Tokyo Olympics ay magsisimula sa July 24, habang uumpisahan ni Watanabe ang kanyang kampanya sa July 27. CLYDE MARIANO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *