WATCH REPAIR SHOPS

WATCH REPAIR SHOP

(NI JERICHO PAUL L. DE GUZMAN)

SAAN mang sulok ng mundo, napakahalaga ng oras, sa ikli ng buhay, walang ni isang segundo ang dapat nasasayang. Sabi nga nila, YOLO o “You Only Live Once”.

Totoong isang beses lamang tayong nabubuhay kaya dapat nating damahin at yakapin ang kada oras na ibinibigay sa atin ng Maykapal. Ika’ nga sa isang sikat na motto, “Time is Gold” at kung minsan ay diamond pa nga. At kung babagal-bagal tayo, lalo na sa panahon ngayon ay mauubusan talaga tayo ng oras at mapag-iiwanan ng panahon.

At upang mapangalagaan ang bawat oras ng ating buhay, o ‘di kaya naman mapahalagahan ang bawat segundo ng ating pagtapak sa mundong ibabaw, kinakailangan na­ting malaman ang oras sa pamamagitan ng mga relo.

Ang relo ay bagay na ginagamit natin upang malaman ang oras, kaya naman kung wala nito, napakahirap hulaan ang eksaktong oras at panahon na ating kinalalagyan ngayon.

Napakarami ngayon ang nagtitinda ng mga relo, may iba’t ibang klase, kulay, hugis at laki. Hindi lamang din sa mall natin mabibili ang relo ngayon sapagkat mayroon nang nagbebenta sa online, sa mga kalsada at palengke.

Bawat isa rin ay nagsusuot ng relo. Marami ang mahihilig sa relo. Bukod sa nalalaman natin ang oras, nakadaragdag din ito sa look ng isang tao o nagsusuot.

Maraming gamit o kapakinabangan ang pagsusuot ng relo. Halimbawa na lang ay kailangan natin ito para malaman at matantiya natin ang oras nang hindi tayo mahuli sa klase o trabaho. Marami rin sa atin ang naghahabol ng oras kaya’t laging naka­tingin sa orasan o suot na relo.

Mahirap nga naman kung walang orasan o relo ang isang tao. Puwede rin naman nating i-check ang oras gamit ang cellphone pero iba pa rin iyong maysuot kang relo dahil isang tingin mo lang sa kamay mo, malalaman mo na kaagad ang oras.

Iba-iba rin ang klase ng relo. May mura, mayroon din namang mahal. Depende sa estilo na iyong napupusuan. Mayroon ding madaling masira at mayroon din namang napakatibay.

Subalit hindi maiiwasan na mayroong bagay na mayroong value or mahalagang bagay ng iyong buhay (tinatawag ito na sentimental value) na kung minsan ay nanggaling sa isa sa mga pinaka-importanteng tao sa iyong buhay, o ‘di kaya naman, ito ang kauna-unahang bagay na iyong nabili.

Kung ang relo na iyon ay mayroong value sa ‘yo at ito ay nasira, isa lamang ang paroroonan niyan, ang watch repair shops na madalas matatagpuan lamang sa mga kanto ng ating barangay.

Ang watch repair shops ay ang mga shop na gumagawa at nag-aayos o nagkukumpuni ng nasira mong relo (wrist watch), nagpapalit ng baterya, nagbabawas ng sukat, pinapa­litan ng disenyo at marami pang iba.

Mayroon ding matatagpuan na watch repair shops sa mga mall subalit mas mahal maningil ang mga ito kumpara sa mga nasa palengke at sa mga bara-barangay. At malaki ang agwat o kaibahan ng presyo ng mga baterya nito kumpara sa mga watch repair shop na nasa tabi-tabi lamang, makabibili kasi sa halagang 60 pesos lamang at libre na ang paglalagay o pagkakabit nito sa natu­rang relo.

Subalit sa panahon ngayon, kumakaunti na ang “Watch Repair Shops” na makikita natin sa lansangan at sa mga pamilihan. Gayundin sa mga mall, naging digital na kasi ang panahon ngayon, kahit ang ilang kabataan ay hindi na marunong magbasa ng analog clock o ang relo o orasan na binabasa ng 5-10-15-20 sa mga nume­rong isa hanggang labing dalawa.

Mas pinipili na rin ng karamihan na tumingin sa cellular phones, tablets, Bluetooth watch at iba pa. Subalit marami pa rin naman ang mga tumatangkilik sa mga analog wrist watch, at sa pagtangkilik natin sa mga ito, patuloy rin sana ang pagtangkilik sa mga taong patuloy na ibinabahagi ang kanilang kaalaman sa paggawa at pag-ayos sa mga bagay na akala natin hindi na maaayos ay nagagawa pa ring paganahin sa tulong ng mga magagaling na mekaniko ng relo.

Sana pagyamanin pa ng mga susunod na heneras­yon ang “Watch Repair Shops” upang hindi ito tuluyang mawala.

At lagi nating tatandaan na napakaimportante ng oras, huwag sayangin, gawin ang mga bagay na iyong ikasisiya. Higit sa lahat, huwag kalimutang magsuot ng relo at kung ito ay masira, huwag basta-basta itapon, marahil malamang sa malamang, kayang-kayang gawin at kumpunihin ‘yan sa “WATCH REPAIR SHOPS”. (Google Images)

Comments are closed.