WATER ALLOCATION MULA ANGAT DAM ‘DI BABAWASAN

HINDI babawasan ang alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam ngayong Mayo sa gitna ng patuloy na pag-init ng panahon na nakaaapekto sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Sinabi ni MWSS department manager Patrick Dizon na nakiusap sila sa National Water Resources Board (NWRB) na huwag bawasan ang kanilang alokasyon.

“Na-retain ‘yung 50 cubic meters o equivalent po ito ng around 4.3 billion litrong tubig po kada araw at nasusuplayan po natin ‘yung 90% po no na water requirement po ng buong MWSS service areas para hindi po tayo magkaroon ng water service interruption,” ani Dizon.

Hanggang alas-12 ng tanghali nitong Huwebes, sinabi ni Dizon na ang water level ng Angat Dam ay nasa 187.12 meters, malayo pa sa critical level na 160 meters.

Samantala, sinabi ni Dizon na nagpapatupad ang MWSS ng pressure management strategies para makatipid sa tubig.

“Pero [ina-assure] naman namin sa ating mga kababayan na hindi naman po tayo mawawalan ng tubig sa mga oras na magko-conduct kami ng mga pressure management strategies at hihina lamang po ‘yung atin pong pressure ng ating tubig,” aniya.

Naunang itinaya ng weather bureau PAGASA na papalo ang heat index sa pagitan ng 45°C at  54.8°C ngayong Mayo sa ilang bahagi ng bansa.

Ang heat index ay ang init na nararamdaman ng isang taon, na iba sa aktuwal na air temperature.