NASA unang araw na tayo ng Agosto ngunit patuloy pa ring nakararanas ang bansa ng pabugso-bugsong ulan o ‘di kaya nama’y biglang iinit. Ang ulan pagkatapos ng mainit at mahalumigmig na araw ay maaaring makapagbigay sa atin ng hindi kanais-nais na pakiramdam, maaari rin itong magdala ng ilang mga sakit. Kung kaya ating talakayin ang mga tinaguriang water-borne disease na maaari nating maranasan tuwing pabago-bago ang klima.
Ano ang waterborne diseases?
Ito ay grupo ng sakit sanhi ng bacteria, virus at parasites, chemical at toxins mula sa halaman at hayop. Sa pamamagitan ng pagkain o pag-inom ng tubig na kontaminado ng mikrobyo ang toxins na na-produce, ang isang indibidwal ay makararanas ng mga sintomas tulad ng pagsakit ng tiyan, pagsusuka, pagduduwal at diarrhea. Ito ay dahil na rin sa pagkakalantad sa iba’t ibang bacteria sa tubig at pagkain na sanhi ng pagkakaroon ng diarrhea disease.
Upang makaiwas sa mga sakit ay panatilihin ang kalinisan, lutuing maigi ang pagkain, panatilihin ang tamang temperature ng pagkain, gumamit ng ligtas na tubig at pakuluan ng 3 minuto ang tubig bago ito inumin.
Ang mga tinaguriang water-borne disease tulad ng cholera, typhoid fever at hepatitis A ay karaniwang sakit na sanhi ng bacteria, virus at parasites.
Isa ang cholera sa karaniwang sakit sa tag-ulan kung saan ito ay dulot ng impeksiyon ng bacteria na Vibrio cholerae na maaaring makuha mula sa maduduming pagkain at inumin. Ang isang indibidwal ay nakararanas ng tuloy-tuloy na diarrhea, na kung hindi maaagapan ay maaaring maging sanhi ng dehydration at kamatayan. Sa oras na makapasok ang bacteria sa bituka ng tao, maglalabas ito ng lason na siyang magdudulot ng matubig na diarrhea.
Ang pagkakaroon ng maruming supply ng tubig mula sa munisipyo, street foods at drinks na inilalako, raw o undercooked na isda at seafood na mula sa mga maruruming tubig ay mga karaniwang pinagmumulan ng pagkakaroon ng cholera. Ilan sa mga sintomas na nararanasan ng isang indibidwal ay ang pagsusuka, pananakit ng tiyan, matubig na diarrhea at lagnat.
Sagot ng PhilHealth ang halagang P6,000.00 kung sakaling ma-confine sa alinman sa levels 1 to 3 na ospital.
Ang typhoid fever naman ay isa pang sakit na nakukuha sa pamamagitan ng pag-inom ng kontaminadong tubig na may dalang bacteria na tinatawag na Salmonellae typhi. Ang sintomas ay kadalasang nararanasan matapos ang 1-2 linggong incubation period ng Salmonellana kung saan ang isang indibidwal ay nagpapakita ng lagnat na umaabot sa 39.4 hanggang 40.0 Celsius, pananakit ng ulo at katawan. Depende sa tagal ng pagkakasakit na kung hindi mabigyan ng lunas ay maaaring lumala at humantong sa pagdedeliryo at pagmulan ng pagdurugo ng bituka sa tiyan.
Kung sakaling ma-confine, sagot ng PhilHealth ang mga sumusunod: Hospitals – P10,000.00 at Primary Care Facilities – P7,000.00.
Ang hepatitis A ay isa pang klaseng sakit na nakukuha mula sa mga kontaminadong inumin o pagkain kung saan ito ay sanhi ng hepatitis virus na nakaaapekto sa cells ng atay na nagdudulot ng pamamaga nito. Sinasabi na ito ay nakahahawang sakit. Ang mga katangiang klinikal ng hepatitis A ay kasintulad ng ibang mga uri ng viral hepatitis.
Kasama sa mga karaniwang palatandaan at sintomas ng hepatitis A ay ang pagkakaroon ng lagnat, kawalan ng ginhawa at gana sa pagkain, pagkakaroon ng matinding diarrhea, pagkahilo, at ang tinatawag na Jaundice o paninilaw ng balat at sclera ng mga mata.
Sa pamamagitan ng faecal-oral, ang sakit na ito ay maaaring malipat sa isang tao kapag humawak o kumain ng mga bagay na kontaminado ng impeksiyon.
Kung sakaling ma-confine sa alin man sa level hospitals 1 to 3, sagot ng PhilHealth ang halagang P11,800.00 sa ilalim ng Case Rate.
Sa ilalim ng nabanggit na mga pakete, ang lahat ng miyembro at kuwalipikadong dependents ng PhilHealth na kabilang sa Employed at Individually Paying Members at mga Organized Group ay kinakailangang may tatlong buwan na hulog sa loob ng anim na buwan bago ang unang araw ng pag-avail. Samantala, ang availment period ng mga miyembro ng sponsored at OFW ay nakapaloob sa validity period na nakasaad sa kanilang Member Data Record o MDR at ang Lifetime Member at Senior Citizen member naman ay kailangan lamang magpakita ng kanilang ID sa pagkamit ng benepisyo.
Paalala po sa ating mga miyembro na maging maingat at maging responsableng mamamayan upang sa oras ng pagkakasakit ay ating makamit ang mga kaukulang benepisyo.
Para sa inyong mga katanungan o kung may paksa kayong nais naming talakayin sa kolum na ito ay tumawag sa aming 24/7 Corporate Action Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng sulatroniko sa actioncen[email protected].
Comments are closed.