WATER CANNON, LASER-POINTING GAMITIN SA MUTUAL DEFENSE TREATY

NAIS  ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na idagdag ang laser-pointing at ang paggamit ng mga water cannon sa listahan ng mga “non-conventional threats” na maaaring magdulot ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas sa United States.

Ginawa ng mambabatas ang mungkahi sa pagdinig ng Senate foreign relations committee sa resolusyon na naglalayong i-update at amyendahan ang 1951 treaty sa Amerika.

“Hindi ba puwede natin idagdag d’yan ‘yung…pag-water cannon? Alam natin it does not constitute armed attack pero ang epekto niya sa ating mga Coast Guard na tatamaan, ‘pag tinamaan ang Coast Guard natin, natumba, nahampas ang ulo doon sa sahig ng barko, patay pa rin ‘yon,” ayon kay Dela Rosa.

“Walang bala na pinutok, tubig lang pero ang effect injury, even death, pag tinamaan ang ating mga tao doon, nahampas ang ulo doon sa sahig ng boat, patay pa rin. I don’t know how do we do that, kung pwede idagdag ‘yan doon,” dagdag pa ng mambabatas.

Noong Agosto 5, pinaputukan ng mga sasakyang pandagat ng Chinese militia ang apat na sasakyang pandagat ng Pilipinas sa isang resupply mission sa Ayungin Shoal.

Nagsagawa rin sila ng “dangerous maneuvers” para paghiwalayin ang mga supply boat sa kanilang Philippine Coast Guard (PCG) escort. LIZA SORIANO