WATER IMPOUNDING FACILITIES, FLOOD CONTROL PROJECTS NG MARCOS ADMIN

PANAHON na naman ng tag-ulan.

Kaya pinaaaksiyunan na ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa mga kinauukulang ahensiya ang mga problemang dumarating tuwing rainy season.

Sa katunayan, mariing ipinag-utos ni Marcos sa Water Resources Management Office (WRMO) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maglatag ng plano para protektahan ang mga komunidad sa mga baybaying dagat at maging ang Metro Manila laban sa baha.

Sinasabing isa sa paraang gusto ng Pangulo ay magpatayo ng water impounding facilties para mapangasiwaan ang water resources ng bansa.

Ang direktiba ay ginawa ng Presidente makaraang pulungin ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Irrigation Administration (NIA) kung saan binigyan siya ng briefing hinggil sa flood control programs at pangangasiwa sa mga dams.

Pinatitingnan ng Pangulo kung ano ang kailangan pang idagdag sa mga proyekto ng DPWH na popondohan ng tinatayang P351 bilyon, kabilang na rito ang paglalagay ng mga dike, waterways, spillways, at pumping stations para mas maging episyente raw ang paglalabas ng tubig at muling magamit.

Ayon kay PBBM, hindi dapat tinatapon ang tubig na mula sa baha dahil kailangan din natin ito kaya kailangang humanap ng mga paraan para ito maipon habang naghahagilap din ng lugar sa labas ng Kalakhang Maynila kung saan maaaring gumawa ng malalaking impounding areas para makontrol ang daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha.

Tama nga naman ang Pangulo.

Aba’y ang tubig na maiipon ay maaaring gamitin sa sektor ng agrikultura kasabay ng pagbibigay proteksyon din sa mga nakatira sa tabi ng ilog at dagat.

Kung hindi ako nagkakamali, nakalinya na ang ilang flood control projects ng Marcos admin tulad ng Abra River Basin, Ranao River Basin, Tagum-Libuganon River Basin, at Central Luzon-Pampanga River Floodway flood control projects.

Maliban dito, nagpapatuloy din ang ilang kaparehong proyekto sa Pampanga, Cavite, Leyte at Cagayan De Oro City.

Ginagawa na rin ang access roads patungo sa mga irrigation areas na natukoy sa ilalim ng Katubigan Program na ipinatutupad ng mga kinauukulang ahensya.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!