WATER INTERRUPTION MABABAWASAN NA

water

NANGAKO ang Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) na unti-unti nang sususpendihin ang mga nararanasang water interruption kasunod ng ibinigay na dagdag na 52 cubic meters per second na alokasyon ng tubig sa mga water concessionaire.

Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Ramoncito Fernandez, presidente ng Maynilad, na hinihintay na lamang nilang pumasok sa La Mesa portal ang dagdag na water allocations.

Ayon kay Fernandez, sa sandaling ma-stabilize na ang suplay ng tubig ay asahan na ngayong linggo ay magiging zero na ang set A at set B water interruption na ipinatupad noong Marso.

Aniya, mula sa 170,000 apektado ng water interruption ay naging 79,000 na lang ang nakararanas ng kawalan ng suplay ng tubig.

Sa ngayon, mangilan-ngilang lugar na lamang umano sa Cavite at Paranaque ang nakararanas ng water interruption.

At dahil naayos na rin ang turbidity level ng tubig na nanggagaling sa Putatan 1 ay mas madaragdagan na ang produksiyon ng tubig para sa mga consumers sa southern area.

Una nang inaprubahan ng National Water Resources Board (NWRB) ang 52 CMS na alokasyon sa MWSS para sa Abril at Mayo.

EVELYN GARCIA