KINONDENA ni Senadora Imee Marcos ang mga water concessionaire na patuloy sa pagpapatupad ng water interruption sa kabila ng paglaganap COVID-19 at pagdedeklara ng pamahalaan ng ‘lockdown’ sa buong Luzon.
Ayon kay Marcos, inilalagay sa panganib ng mga ito ang buhay ng mamamayan sa pagpapatupad ng water interruption dahil na rin sa kahalagahan ng tubig sa pagharap ng problema sa COVID-19.
“Bakit sasabihin ng Maynilad at Manila Water na merong sapat na supply ng tubig ang kanilang customers pero araw-araw naman ang water interruption? Ano ba yan! Puro pambobola na lang ginagawa nila!” galit na pahayag ni Marcos.
Binigyang diin ng senadora, ang palagiang paghuhugas ng kamay, pag-inom ng malinis na tubig at pagpapanatili ng personal hygiene ay malaking bagay para malabanan ang paglaganap ng COVID-19 batay na rin sa pahayag ng Department of Health (DOH).
Kaya’t hiling nito, itigil na muna ng Maynilad at Manila Water ang ginagawang water interruption sa halos lahat ng lugar ng Metro Manila pati na rin sa mga kalapit na bayan at lungsod sa panahong ipinatutupad ng pamahalaan ang ‘lockdown’.
“Marami nang problema ang taumbayan, at sana naman maging bahagi ng solusyon ang Maynilad at Manila Water laban sa COVID-19. Pero sa nangyayari, mukhang tubo lang ang inaatupag nila,” pahayag ni Marcos.
Idinagdag pa ni Marcos, hindi rin dapat na ipagmalaki ng water concessionaires ang pagpapatupad ng pansamantalang pagtigil ng paniningil sa nakatakdang bayarin dahil sa babayaran din naman ito ng kanilang mga customer.
“Josko, parang may utang na loob pa ang mga customers sa Maynilad at Manila Water, e babayaran din naman nila ang kanilang nakunsumong tubig. Kung tutulong din lang sila, sana lubos-lubusin na nila at wag nang pagbayarin ang mga customers ” dagdag pa ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.