WATER LILY, NAGBIBIGAY BIYAYA SA MGA KAPUSPALAD NG BASECO– GOITIA

Director-Jose-Antonio-Goitia

BINIGYANG halaga ni Pasig River Rehabilitation Commission Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia ang itinuturing na walang silbing water hyacinth dahil nakapagdudulot naman ito ng ayuda para sa kabuhayan ng mga mahihirap na Filipino.

Tuwing sumasapit ang tag-ulan, napupuno ang Laguna de Bay ng water hyacinth at kumakalat naman ito patungong Ilog Pasig kaya malaking pinsala ang dinadanas ng mga sasakyang pantubig na bumabaybay sa ilog.

“Maraming tao ang bumabalewala sa kahalagahan ng water hyacinth sanhi ng mabilis nitong pagdami na malimit ay nakahahadlang sa ating ferry operations at iba pang recreational activity sa Ilog Pasig,” diin ni Goitia. “Pero kung susuriin nila ito nang mabuti, mas nakapagbibigay pa ito ng bene-pisyong panglipunan at pang-ekonomiya,”

Marami nang mga bansa ang gumagamit sa water hyacinth o water lily para sa produksiyon ng biogas. Sa ating bansa, ginagamit ng PRRC ang water hyacinth sa pagtanggal ng mga heavy metal sa Pasig River System. Ngunit sa sandaling nakaiistorbo na ito sa paglalayag sa Ilog Pasig, inaani na ang mga halamang tubig ng PRRC upang makapagbigay naman ito ng ayudang pangkabuhayan para sa mga mahihirap.

“Bukas para sa lahat ang White House ng PRRC na matatagpuan sa BASECO sa Tondo, Maynila. Dito sila sasanayin upang matutong maghabi ng mga produktong gawa sa water hyacinths. Mula sa simpleng bag, makagagawa rin sila ng mga sinelas, bracelet, pamaypay, table runners at blankets na pawang de kalidad,” buong pagmamalaking sinabi ni Goitia.

Idinagdag niya na nakatutulong ang kinikitang halaga sa pagbebenta ng mga produktong water lily sa pagpapaunlad sa kalidad ng kabuhayan ng mga artisan na tinuruan ng PRRC.

“Malimit pumasyal ang mga dayuhan, politiko at mamamahayag sa White House ng PRRC para lang bumili ng water hyacinth products. Kaya sa susunod na may nakita kayong water hyacinth sa Ilog Pasig, isipin na lamang ninyo na biyaya ito ng langit,” dagdag ni Goitia.

Comments are closed.