WATER RATE HIKE ‘DI TULOY

WATER RATE HIKE

Maynilad, Manila Water ‘di na pagbabayarin ang gov’t ng P10.8-B

IPINAGPALIBAN muna ng Manila Water ang dagdag-singil sa tubig sa Enero ng susunod na taon.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Public Accounts, sinabi ni Manila Water Co. Inc. President and CEO Jose Almendras na wala muna silang ipatutupad na water rate increase.

Bukod dito, hindi na rin sisingilin ng Manila Water ang pamahalaan ng P7.4 billion na arbitral ruling ng Singapore Permanent Court of Arbitration na inilabas nitong Nobyembre kaugnay sa hindi pagpayag ng pamahalaan na magtaas ng singil sa tubig ang kompanya mula 2015.

“Opo. Susunod kami sa kagustuhan ng gobyerno at Pangulo,” wika ni  Almendras.

Pag-aaralan naman ni Maynilad President and CEO Ramoncito Fernandez ang pagbimbin sa pagtataas ng singil sa tubig ng Maynilad sa Enero rin ng susunod na taon.

Tulad ng Manila Water, hindi na rin sisingilin ng Maynilad ang P3.4 billion na arbitration ruling ng Singapore sa pamahalaan na ibinaba noong Oktubre 2018.

Nakahanda naman ang dalawang water concessionaires na tumulong sa pamahalaan na repasuhin ang concession agreement at iba pang isyu na kanilang kinakaharap.

Nagbanta si Duterte na kakasuhan ang Manila Water at Maynilad, gayundin ang mga dating opisyal ng pamahalaan dahil sa umano’y onerous agreements sa ­gobyerno. CONDE BATAC

Comments are closed.