WATER RESOURCE MANAGEMENT OFFICE APRUBADO NA KAY PBBM

APRUBADO na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglikha ng Water Resource Management Office (WRMO) upang pamahalaan ang mga yamang tubig ng bansa at tumugon sa mga kasalukuyang hamon sa kapaligiran sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap ng pamahalaan sa tulong ng lahat ng sektor ng lipunan.

Sa multi-sectoral meeting sa Malacañang, tinalakay ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagpaplano patungkol sa pamamahala ng tubig, binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa isang plano na magsisilbing roadmap para sa mga ahensya sa pamamahala ng basura.

“Kaya nga kailangan sumunod sa plano. That’s why we have to strengthen the mandate of the Water Management Office. We have to bring them together so that they are all following the overall plan,”giit ni Pangulong Marcos.

Tinalakay rin ng Pangulo ang kahalagahan ng koordinasyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System) and Local Water Utilities Administration and the Water Board, at Department of Environment and Natural Resources

“So that whatever the relationship we come to with MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) and Local Water Utilities Administration (LWUA) and the Water Board, DENR (Department of Environment and Natural Resources) and this new Water Management Office, it has to be cohesive in the sense that kailangan ‘yung recommendation ng management office sinusundan,” paliwanag ni Pangulong Marcos.

Iminungkahi ng Pangulo na ang unang aksyon ng WRMO ay dapat na bawasan ang pag-asa ng bansa sa tubig sa lupa at malalim na mga balon, gayundin ang pamamahala sa suplay ng tubig.

Babalangkas ng Executive Order (EO) para bigyang-daan ang National Water Resources Board (NWRB), MWSS at LWUA at ang iba pang ahensyang may kinalaman sa tubig ng DENR na magkaroon ng collaborative mechanism sa ilalim ng WRMO na magpatupad ng mga programa sa pamamahala ng tubig.

Ang WRMO ay nasa ilalim ng DENR at magiging isang transitory body habang nakabinbin ang paglikha ng isang Water Resources Department.

Kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng WRMO ang pagbabalangkas at pagtiyak sa pagpapatupad ng Integrated Water Management Plan (IWMP), na magsasama-sama ng iba’t ibang plano ng iba’t ibang ahensya.

Ang IWMP, na magsisilbing pangunahing gabay na dokumento para sa WRMO, ay tutugon sa kasalukuyang mga hamon sa kapaligiran at mamamahala sa mga mapagkukunan ng tubig sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap ng pamahalaan s pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor.

Ang WRMO na katuwang ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO),ang mangunguna para magpasa ng isang batas na lumilikha ng isang apex body; makipagtulungan nang malapit sa relevant agencies kabilang ang local government units (LGUs), pribadong sektor, civil society, at mga komunidad; gayundin ang magsagawa ng iba pang mga tungkulin sa ilalim ng DENR. EVELYN QUIROZ