MAAARING magpatuloy hanggang sa susunod na taon ang rotational water service interruptions na dinaranas ng mga residente ng Metro Manila dahil sa kawalan ng ulan na sasapat para malamanan ulit ang Angat Dam, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).
Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David, Jr. na kasalukuyang pinamamahalaan ng board ang alokasyon sa mga kabahayan sa Metro Manila upang mapreserba ang suplay mula sa Angat Dam hanggang sa umabot ang reservoir sa normal operating capacity nito.
Ayon kay David, ang water level sa dam ay kasalukuyang nasa 188.34 meters, o 8 meters lamang na mas mataas sa minimum normal operating level na 180 hanggang 200 meters.
“This time, sa tingin natin hindi siya sufficiently nakaka-recover kaya gusto natin ma-manage ‘yung supply natin sa ngayon in anticipation sa projection ng PAGASA na baka wala masyadong pag-ulan na darating hanggang sa December,” aniya.
“Mapapaabot naman natin hanggang summer next year ang tubig kaya lang kailangan talaga natin ma-manage ‘yung supply. But probably po magpapatuloy ‘yung hindi normal na allocation for the water supply for Metro Manila,” dagdag pa niya. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.