LAGUNA – MAGKASAMANG tinungo ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Liliw kasama ang lahat ng mga Barangay chairman ang mismong bukal na nasa Barangay Kanlurang Bukal na pinagkukuhanan ng tubig sakop ng Bundok Banahaw na nag-susuplay sa mga residente sa buong bayan kamakalawa ng umaga.
Doon mismo sa lugar ipinaliwanag ni Liliw Municipal Mayor Erickson Sulibit sa harap ng mga Barangay chairman ang kinaka-harap na problema sa tubig at ang pinagmumulan nito.
Isa aniya ang problema ng distribution pipe line dahil sala-salabat na ang mga ito bukod pa ang bumaba na halos 1 feet na lebel ng tubig na dapat sana ay tumaas para masuplayan ng tama ang nasa 33 barangay na may mahigit na 30 libong bilang ng pamilya.
Ayon sa isinagawang pag-aaral ng mga ito, lumilitaw na sa halip na tumaas ang lebel ng tubig sa panahon ng tag-ulan ay bumababa pa ito na taliwas sa panahon naman ng tag-init na ito ay tumataas.
Ang pagbabago umano ng klima o climate change ang hinihinalang pinagmumulan ng problema sa Bundok Banahaw kung saan nasa limang barangay ang nakaranas ng kawalan ng suplay ng tubig mahigit limang buwan na ang nakakaraan.
Apektado nito ang mga barangay ng Daniw, Dita, Dagatan, Malabo Kalantukan at ang Bayate kabilang ang iba pang lugar na nasasakupan ng bayan ng Liliw na iniulat na mahina na rin ang dumadaloy na tubig.
Bukod dito, ang mga karatig na bayan ng Majayjay, Nagcarlan, Rizal at lungsod ng San Pablo kabilang ang bayan ng Lucban na pawang nasa paligid ng Mount Banahaw ay nakakaranas na rin ngayon ng mahinang daloy ng tubig na nagmumula sa mga bukal.
Dahil dito, pinasimulan ni Sulibit ang Total Rehabilitation Project ng patubig para sa aniya ay agad na maresolba ang kinaka-harap na problema ng kanyang mga kababayan kung saan pinaglaanan aniya nito ng pondo na umaabot sa P55 milyon na inutang ng mga ito sa Land Bank.
Karagdagan pang pondo ang ipinagkaloob ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na halagang P11 milyon mula sa Assistance to the Municipality (AM) kung saan ilalaan naman aniya ito sa pagsasaayos ng Water Treatment Facility para magamit na rin ang tubig sa ilog upang makapag-supply ng potable water sa mga residente.
Umaabot sa higit 22 kilometro ng linya ng panibagong pipeline mula sa pinagkukuhanan ng tubig ang kailangan nilang gawin kung saan nakatakda umano itong matapos sa loob ng mahigit na 10 buwan.
Kaugnay nito, pinag-aaralan pa rin ni Sulibit ang pagdedeklara nito ng State of Calamity para magamit ng mga ito ang kanilang calamity fund samantalang makikipag-ugnayan din aniya ito sa pamunuan ng Department of Energy and Natural Resources (DENR) at sa iba pang ahensiya ng Pamahalaan ukol dito.
Kasunduan o ang isang moratorium ang ninanais pa rin nitong ipatupad sa lahat ng pamunuan ng barangay kaugnay ng isinasagawang walang habas na pagpuputol ng mga puno sa bundok kung saan marami ang naaapektuhan.
Samantala, hinaing naman ng mga residente, mas mabuti pa aniyang mawalan ng koryente huwag lamang ang tubig dahil lahat ay nagagawa ayon kay Lola Ines Argoson ng Brgy. Kanlurang Bukal.
Higit limang buwan na aniyang walang tubig sa Barangay Dita na ayon kay Jenny Acierto ay gumagastos pa aniya sila para makapag-igib lamang ng tubig sa bayan ng Pila gamit ang kanilang truck. DICK GARAY
Comments are closed.