WATER SOURCE SA BAGUIO KONTAMINADO

BAGUIO CITY- POSITIBO sa kontaminasyon ang isang water source sa gitna ng deklarasyon ng acute gastroenteritis outbreak sa lalawigang ito.

Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Eric Tayag, base sa preliminary result ay may isang pinagkukunan ng tubig na konataminado at nagpositibo sa pagsusuri.

Idineklara ni Mayor Benjamin Magaling ang outbreak ng acute gastroenteritis sa Baguio City matapos makapagtala ng 1,602 na kaso nitong Miyerkules kabilang dito ang 218 establisimiyento at 80 kabahayan.

Nauna na ring sinabi ng Baguio City Health Services Office (CHSO) na tinitignan nila ang kontaminadong tubig na posibleng sanhi ng naturang sakit.

Kumuha ng water sample sa ibat-ibang water source para sa pagsusuri at re-testing upang matukoy ang aktuwal na dahilan.

Sinabi ni Tayag na ang kaso ng diarrhea sa Baguio ay nagsimulang tumaas simula Disyembre 21,2023.

Inaasahan na maaring tumaas pa ang kaso dahil ang City Health Office ng Baguio at Mayor Magalong ay naglabas ng QR code kung saan ang mga nakatira roon ay pwedeng mag-report para mas mabilis kung sinuman ang nagkakaroon ng diarrhea.

Tumutulong na rin ang DOH Epidemiology Bureau at Center for Health Development Cordillera Administrative Region sa pamahalaan ng Baguio City upang pamahalaan at kontrolin ang mga kaso ng pagtatae.

Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na gumamit ng malinis na tubig para sa inumin, pagkain, pagluluto, pagsisipilyo, at paghuhugas ng kamay at mukha. PAUL ROLDAN