WATER TANK SUMABOG: 1 TODAS, 5 SUGATAN AT 2 BAHAY NAWASAK

BULACAN- PATAY ang lalaking operator habang lima ang sugatan at nawasak ang dalawang kalapit na bahay matapos sumabog ang steel bolted Water tank ng Water District sa bayan ng Bulakan kahapon ng umaga.

Sa inisyal na report na tinanggap ng Bulacan 911 at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kinilala ang nasawi na si Ryan Mangio, 41-anyos samantalang sugatan ang dalawang kawani ng water district na sina Eduaro Carpio, tubero; Ricardo Sulit, operator na nasa lugar; residenteng sina Milagros Tionglo, kasambahay nito at isang nagngangalang Jomar Esteban.

Dahil sa lakas ng pagsabog ng tangke ng tubig, nasira ang katabing bahay at natangay rin ng malakas na bulwak ng tubig ang isang motorsiklo, tricycle at isang van na natagpuan na sa gitna ng sapa sa lugar.

Dahil sa pagsabog ng tangke ng tubig, apektado na ang suplay ng tubig sa nasabing bayan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam kung may kinalaman ang over pressure kaya sumabog ang tangke ng tubig. THONY ARCENAL