WATER VESSEL TUMAOB, 2 PATAY

NORTHERN SAMAR – DALAWA ang napaulat na namatay makaraang tumaob ang isang water vessel o motorbanca sa karagatan ng Laoang sa lalawigang ito kung saan ang mga bangkay ay natagpuan ng search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG).

Nakatanggap ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Laoang ng tawag mula sa Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Laoang kaugnay sa isang pribadong motorbanca na tumaob sakay ang anim na pasahero at dalawang crew

Sa joint search ope­ration (SAR) operation, dalawang bangkay ang narekober sa baybayin ng   Barangay Rawis, Laoang.

Samantala, ang apat na pasahero at dalawang crew ay ligtas.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang pribadong motorbanca ay umalis sa Barangay Rawis , Laoang patungong Batag Island .

Tumaob ito nang hampasin ng malalaking alon sa gitna ng maalon na lagay ng dagat.

Dinala ng joint SAR team ang narekober na mga Labi sa Laoang Rural Health Unit para sa post-mortem examination habang ang mga nakaligtas ay dinala sa hospital para sa atensyong medikal.

PAUL ROLDAN