(Ni CHE SARIGUMBA)
KUNG may isa mang prutas na swak kahiligan kapag summer, iyan ang watermelon. Bukod sa matubig nga naman ito, wala pa itong kasing sarap at napakadali lamang ding bilhin, kainin at dalhin. Kahit nga sa outing ng pamilya, puwe-deng-puwede itong mabitbit.
Nakare-refresh nga naman ang watermelon kaya’t swak na swak ito ngayong mainit na panahon.
Ngunit alam n’yo bang hindi lamang masarap kainin o gawing smoothie ang nasabing prutas?
Swak din itong gawing watermelon curry.
Yes, tama ang nabasa ninyo—watermelon curry. Gagamitin natin sa paggawa ng curry ang watermelon.
Masarap ang nasabing lutuin dahil light lang ito at comforting.
Sa mga gustong subukan ang nasabing recipe, ang mga sangkap na gagamitin natin sa pagluluto nito ay ang 4 na tasang seedless watermelon na hiniwa-hiwa ng cubes, 1 ½ na kutsaritang red chili powder. ¼ na kutsaritang ground turmeric, 1⁄2 na kutsaritang ground coriander, 1 kutsaritang bawang, ¼ na kutsaritang ground cumin, 1⁄4 na tasang fresh coconut milk at lime juice.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga sangkap. Siguraduhing malinis ang lahat ng mga gagamitin mula sa mga sangkap hanggang sa kasangkapan.
Kapag naihanda na ang lahat ng mga kakailanganing sangkap, pagsamahin sa blender ang ¾ ng watermelon cubes, chili powder, turmeric, coriander, garlic at cumin. I-blend ito hanggang sa maging smooth ang texture.
kapag naging smooth na ang mixture, ilagay na ito sa lutuan saka pakuluan. Hayaan itong kumulo hanggang sa mangalahati ang mixture.
Pagkatapos ay ilagay na ang fresh coconut milk at lime juice. Pakuluin ulit.
Pagkatapos ay isama na rin ang natitirang watermelon cubes at pakuluin ulit.
Kapag kumulo na, puwede na itong ihanda sa buong pamilya. Masarap itong pagsalahunan ng may kasamang umuusok pang kanin.
Simpleng-simple lang hindi ba?
Sa mga mahilig nga naman sa sauce o sabaw, swak na swak ang watermelon curry. kaya naman, ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang paggawa nito nang matikman ang kakaibang sarap na dulot nito sa ating panlasa.
Pero hindi lang naman curry ang puwedeng gawin gamit ang watermelon. Marami pang recipe ang puwede nating subukan gamit ang watermelon gaya na lamang ng Watermelon Feta Salad. Swak ito sa mahihilig sa salad. Napakadali lamang din nitong gawin dahil pagsasama-samahin lang ang mga sangkap gaya ng watermelon na hiniwa-hiwa, onions, fresh basil, salt, black pepper at feta cheese. Ilagay lang sa ref ng 25 minuto nang lumamig at puwede na itong pagsaluhan
Bukod din sa Watermelon curry at Watermelon Feta Salad, isa pa ang Watermelon Gazpacho Soup.
Simple lang din ang paggawa nito dahil pagsasamahin lang sa blender ang mga sangkap gaya ng kamatis na hiniwa-hiwa at tinanggalan ng buto, watermelon diced, cucumber na binalatan at hiniwa-hiwa rin, olive oil, rice vinegar, feta, fresh basil at asin.
Kapag na-blend na ang mga sangkap, tikman na at saka dagdagan ng lasa na naaayon sa gusto. I-freeze o palamigin ito.
Lahat nga naman ay maaari nating gawin o lutuin. Basta’t maging madiskarte lang tayo, paniguradong makapaghahanda tayo ng masarap at bago para sa ating pamilya.
(photo credits: thepeppercook.com, archanaskitchen.com, thekitchn.com)
Comments are closed.