WAYS NANG LUMAKING MAY TIWALA SA SARILI ANG MGA BATA

BATA-5

(ni CT SARIGUMBA)

IBA-IBA ang ugali ng isang bata. May mahiyain at mayroon din namang bibo. May ilan na kahit na maliit pa lang sila, kakikitaan na ang mga ito ng tiwala sa sarili. May iba namang kailangan pang alalayan nang magkaroon ng tiwala sa sarili at kakayahan.

Importanteng may tiwala sa sarili ang mga bata. Oo, may mga anak na kailangan pa nating alalayan nang magkaroon sila ng tiwala sa sarili. Dahil din sa iba-iba ang kinalakihan ng mga bata kaya’t iba-iba rin ang tingin o pagtanggap nila sa mga bagay.

At bilang magulang, malaki ang obligasyon natin sa ating mga anak. Mahalaga ring tinutulu­ngan natin sila o sinasanay na magkaroon ng tiwala sa kani-kanilang kakayahan nang maga­mit nila ito sa kanilang paglaki at pakikipagsapalaran sa mundo.

Kaya naman, para mapalaking may tiwala sa sarili ang mga anak, narito ang ilang simpleng tips na maaaring isaalang-alang ng bawat magulang:

KAUSAPIN ANG MGA ANAK AT HINGIN ANG KANILANG OPINYON

Napakahalaga na nagbibigay tayo ng panahon sa ating mga anak. Panahon para makausap sila. Panahon para pakinggan ang kani-kanilang kuwento sa ginawa nila sa buong araw–sa bahay man iyan habang wala tayo o sa eskuwelahan kasama ang kanilang kaklase at guro.

Oo nga’t bawat magulang ay abalang-­abala sa paghahanapbuhay gayundin sa pag-aa­laga sa kanilang pamilya.

At sa kaabalahan nga, kadalasan ay nakaliligtaan nating maglaan ng panahong maka-bonding at makausap ang mga bata. Pagdating natin sa bahay, sa sobrang pagod ay humihilata na lang tayo sa kama. Kumbaga ang nasa isip na lang natin ay ang magpahinga kaysa sa ang maglaan ng panahon sa ating pamilya, lalong-lalo na sa ating mga anak.

Hindi sapat na naibibigay ng isang magulang ang panga­ngailangan ng kanilang mga anak. Hindi sapat na may pagkain sila sa hapag, nababayaran ang mga bayarin sa eskuwelahan at nabibilhan sila ng damit at mga gusto nilang laruan. Pinakaimportante sa lahat ay ang paglalaan ng panahong makausap at malaman ang saloobin ng anak.

Nakatutulong upang magkaroon ng tiwala ang isang bata ay kapag naglalaan ang bawat magulang ng panahon sa kanila. Mainam din kung hihingin ang kanilang opinyon at pahahalagahan ito.

Maliit pa lang ang mga anak, iparamdam na sa kanila na pinahahalagahan natin sila, gayundin ang kanilang mga opinyon at nararamdaman.

BIGYAN SILA NG MGA RESPONSIBILIDAD

Nagkakaroon din ng tiwala sa sarili ang isang bata kung alam nilang may naitutulong o nagagawa sila kahit na maliliit lang.

Halimbawa na nga lang sa bahay, bigyan sila ng responsibilidad o mga gagawin na naaayon sa kanilang kakayahan o edad.

Ilan sa responsibilidad na puwedeng ibigay sa mga anak ay ang pagsanay sa kanilang iligpit ang kanilang mga laruan matapos itong gamitin. Sabihin mang maliliit na bagay lamang ito, matutulungan at matuturuan naman nating maging responsable ang mga bata. At kung ginagawa nila ito habang bata pa ay madadala nila ito sa kanilang pagtanda.

Puwede rin silang patulungin sa kusina nang matuto sila habang bata pa lang. O kaya naman ay pagpupunas ng lamesa o kaya naman paghuhugas ng pinggan kung may kalakihan na ang bata. Sa pamamagitan nito, bukod sa magkakaroon na ng kaalaman o ideya ang anak sa paghahanda ng pagkain, lalaki rin itong respon­sable at may tiwala sa kanyang sariling kakayahan.

HUWAG KAAGAD PAGAGALITAN KAPAG NAGKAKAMALI

Maraming magulang na sumisigaw o nagagalit kaagad kapag nakagagawa ng pagkakamali ang kanilang anak. Oo, kung minsan nga naman lalo na kung pagod tayo ay hindi natin maiwasang mainis.

Gayunpaman, walang maitutulong ang magalit. Magiging dahilan pa nga ito para mawala ang tiwala sa sarili ng mga bata.

Kausapin ang mga anak at ipaintindi sa kanila ang nagawa nilang pagkakamali, iyan ang kailangan nating gawin.

Huwag ding ma­ging sobrang istrikto. Tandaan natin na lahat naman ng tao ay nagkakamali.  At wala naman ding masamang magkamali. Sa pagkakamali nga tayo natututo, hindi ba?

Okay lang ang magkamali. Nangyayari naman iyan. mga gawa ng bawat isa sa atin.

Pero huwag ding kalilimutang kausapin ang mga anak at ipa­liwanag sa kanila ang maaaring masamang maidulot ng ginawa nilang pagkakamali.

Huwag tayong tumigil sa pagsabi sa mga anak na mali ang ginawa nila. Ipaliwanag natin kung bakit ito mali.

Ipaalam din kung paano ito babaguhin o itatama.

HAYAAN SILANG MAGDESISYON

Makabubuti rin kung hahayaan nating magdesisyon ang ating mga anak.

Halimbawa na lang sa kung ano ang gusto niyang kainin o kaya naman suotin. O kaya ang gusto niyang bil­hing laruan o gamit.

Hindi porke’t ma­gulang tayo ay pangu­ngunahan na natin ang ating mga anak. Kung tayo ang magde­desisyon para sa kanila, baka imbes na magkaroon sila ng tiwala sa sarili ay mawala pa.

May mga bata naman talagang makukulit o kung minsan ay mapili. Kung hindi naman nila ikasasama ang kanilang nais o gusto, mabuting pagbigyan sila.

MAGING MABUTING HALIMBAWA SA MGA ANAK

Kung ano ang nakikita ng mga bata, ginagaya nila.

Kaya naman, kung nais na lumaking may tiwala sa sarili ang anak, kailangan ding tayo mismong mga magulang ay mayroon nito.

Maraming paraan upang lumaking may tiwala sa sarili ang bawat bata.

Ilan lamang ang ibinahagi naming sa simpleng paraan. (photos mula sa revolutionmath.com at northeastohioparent)