WAYS NANG MA-UPGRADE ANG NIRERENTAHANG TAHANAN NA HINDI NA KAILANGAN PANG GUMASTOS NG MALAKI

TAHANAN-14

(ni CT SARIGUMBA)

SA PAGPAPAGANDA ng ating tahanan o property, lagi nating isinasaisip ang budget o ang ilalaang halaga para sa gagawing proyekto. Hindi nga naman puwedeng magpaganda o mag-ayos ng tahanan nang walang nakalaang halaga.

Hindi nga naman maiiwasang mapagastos tayo sa pagpapaganda ng tahanan. Kaya naman, narito ang ilang simpleng tips kung paano pagagandahin ang tahanang na pasok o swak sa kung ano mang budget ang mayroon tayo:

PAGPAPAGANDA NG MGA WALL O DINGDING

Kung mayroon mang parte o bahagi ng ating tahanan ang mabilis kung dumumi, magbakbak ang pintura at masira, iyan ang dingding. Kung may problema nga naman ang ating dingding, mapapansin kaagad natin ito gayundin ng mga bibisita o magtutungo sa ating tahanan.

Kaya’t kung gusto mong mabigyan ng personal touch ang inyong dingding, isa ang paggamit ng paintable wallpaper. May mga removable wallpaper na rin kasing available sa panahon ngayon na puwede mong pinturahan. Swak na swak ang paggamit ng paintable wallpaper kung nangungupahan ka lang.

Isa pang option ay ang paghahang ng temporary wallpaper. May mga nangungupahan din kasing hindi nila mapalitan ng pintura ang kanilang wall dahil sa ayaw itong ipagalaw ng may-ari. Kaya kung ganito ang problema mo, isa pang swak gamitin ang temporary wallpaper. Para nga naman sa panahong lilipat kayo ay puwede ninyong tanggalin ang wallpaper nang hindi naaapektuhan ang pintura nito.

Sa mga restroom naman, puwede rin namang subukan ang pag-i-install ng removable tile backsplash nang magmukha itong bago at malinis.

Isa pa sa pinakasimpleng paraan nang ma-upgrade ang wall o dingding ay ang pagsasabit ng mga art. Kung ayaw mo nga namang gumamit ng wallpaper o pintura, swak naman ang pagsasabit ng mga art sa wall. Maaari kang mag-create ng gallery wall gamit ang mga art o pictures ninyo na naka-frame.

PAGPAPAGANDA NG FLOOR O SAHIG

Bukod sa dingding, isa pa sa lagi nating pinoproblema ang sahig. Napakabilis nga naman nitong magdumi at masira. Pansinin din ang sirang sahig o floor. Kaya naman, kung gusto mong pagandahin o bihisan kumbaga ang inyong floor nang gumanda itong tingnan, isa sa puwedeng subukan ang paggamit ng Vinyl Plank Flooring. Ang ganitong klaseng flooring ay removable kaya’t swak na swak ito kung nirerentahan lang ninyo ang inyong tinitirhan.

O kaya naman, puwede rin namang gamitin ang Removable Vinyl Decals dahil matatakpan nito ang sira o pangit na sahig. Tiyak na magbabago ang kabuuan ng inyong floor at magmumukha itong painted tile.

PAG-UPGRADE NG BINTANA

Hindi rin naman natin puwedeng kaligtaan ang pagpapaganda o pag-a-upgrade ng ating bintana. Hindi nga naman nawawala ang bintana bilang parte ng tahanan ng bawat isa sa atin.

Sa pagpapaganda o pag-a-upgrade naman ng tahanan, isa naman sa mainam gawin ay ang paglalagay ng kurtina.

Nagiging kakaiba nga naman ang bintana kung may magandang kurtinang nakasabit dito. Kaya’t ang paglalagay o pagpapalit ng kurtina ang isa sa pinakasimpleng paraan upang maging kaakit-akit sa paningin ng marami ang ating bintana.

I-check din ang mga bintana at siguraduhing wala itong sira.

PAGGAMIT NG SALAMIN PARA LUMUWAG ANG LUGAR

Problema ng ma­rami sa atin ang maliit na espasyo ng tahanan. Pero puwede natin itong solusyunan sa pamamagitan ng paggamit ng salamin nang makapag-create ng illusion na malaki o maluwag ang isang lugar.

Ilagay lang ang mirror o salamin sa lugar kung saan natatamaan ng araw o sa parteng maliwanag nang magdulot ito o makapagbigay ng illusion na maluwag ang isang lugar o espasyo. May iba’t ibang klase rin ng mirrors o salamin ang puwede nating pagpilian sa merkado. Humanap lang din ng salamin na ang laki ay angkop sa lugar na paglalagyan.

PILIIN ANG DEKALIDAD NA FURNITURE

Gumaganda rin ang isang lugar kung ang mga kasangkapan o furniture na naroon ay dekalidad o matibay.

Kaya naman, piliin ang mga matitibay na furniture dahil bukod sa nakapagbibigay ito ng ganda sa isang lugar, mapakikinabangan pa ito ng matagal.

Tamang laki lang din ng kasangkapan ang piliin.

TANGGALIN O ITAGO ANG MGA KALAT

Problema na ng marami sa atin ang kalat sa kabuuan ng tahanan. Hindi nga naman nawawala ang kalat o ang pagkakaroon ng mga gamit na hindi naman natin ginagamit at nakatambak lang.

Para maging maayos at mabago ang kabuuan ng ating tahanan, siguraduhing nakatago ang mga kalat na nakapagpapasakit sa ating mga mata. Puwede nating ipa­migay o ibenta ang mga gamit na hindi na natin ginagamit pero napakikinabangan pa.

Kung tutuusin, napakarami rin namang paraan kung paano natin pagagandahin ang bahay na mayroon tayo—sarili man natin iyan o nirerentahan lang—na hindi na nangangailangan pa ng malaking halaga. Kagaya na nga lang ng mga ibinahagi namin sa inyo na simple ngunit malaki ang maitutulong upang ma-upgrade ang inyong tinitirhan. (photo credits: Google)

Comments are closed.