WAYS PARA MA-BOOST ANG ENERGY LEVEL

energy level

SA RAMI ng pinagkakaabalahan ng marami sa atin, hindi maiwasan ang makaramdam ng pagod at tamarin. Napakarami rin naman ka­sing dahilan kung kaya’t nananamlay tayo’t tila nawawalan ng lakas para lumaban sa buhay. O kahit na ang tapusin  lang ang nakaatang sa ating gawain. May panahon din talagang tinatamad tayo at mas pinipili na­ting humilata na lang.

Hindi nga naman maitatanggi na mara­ming pagsubok ang kinahaharap natin sa bawat pagsibol ng umaga. Minsan, natatalo tayo ng mga kinahaharap nating problema. May mga panahong tila ayaw na nating lumaban. Ngunit kung aayaw tayo, matatalo tayo. Tayo lang din ang kawawa, Tayo lamang din ang mahihirapan.

Kapag nakadarama tayo ng pagod o katamaran, kailangang gumawa tayo ng paraan para ma-boost ang ating energy level. At para ma-boost ang energy level sa kabila ng samu’t saring problema at pangyayaring kinahaharap ng bawat isa sa atin, narito ang ilan sa kailangang gawin o dapat na isaalang-alang:

HUWAG PADADALA SA STRESS AT PINAGDARAANANG PROBLEMA

Karamay na natin ang stress sa araw-araw. Hindi tayo niyan niluluba­yan. Kung magpapa­alipin tayo sa stress, tayo lang din ang kawawa. Kaya naman, isa sa pa­raan para ma-boost ang energy level ay ang hindi pagpapadala sa stress. Ang mataas na level ng stress ay nagiging dahilan ng pagod. Nakaka-drain din ito ng utak.

Kagaya ng stress, hindi rin puwedeng mawala sa ating buhay ang mga problema. Imbes na dibdibin ang problema, gumawa ng paraan para masolusyunan ito. Mag-isip ng mga magagandang bagay upang maibsan ang problemang nadarama.

Maaari  rin namang makipag-usap sa kapa­milya at kaibigan nang mabawasan ang bigat ng loob.

IPAHINGA ANG KATAWAN AT ISIPAN

energy levelSa pagod na kinahaharap natin sa araw-araw nating pagtatrabaho, importanteng naglalaan tayo ng panahong magpahinga. Hindi lamang dapat katawan ang ating ipinapahinga kundi ang ating isipan.

Kapag pagod ang ­ating katawan at isipan, hindi natin naibibigay ang best natin sa trabaho. Hindi rin nagiging  malinaw ang utak natin. Nariyan ding tinatamad tayong kumilos. Kaya mahalaga ang pagpapahinga. Ang pagtulog ng sapat ay napakaimportante sa bawat isa sa atin para ma-refresh ang utak at upang makayanan na­ting lampasan ang mga pagsubok na dumarating sa atin sa araw-araw.

GUMALAW-GALAW AT NGUMITI-NGITI

Kailangan din siyem­pre nating gumalaw-galaw at ngumiti-ngiti. Kawalan o kakulangan ng ehersisyo ang isa sa dahilan kaya’t pakiramdam natin ay pagod na pagod tayo. Ang katawan ng tao ay kailangan ding igalaw-galaw. Ang simpleng paglalakad ay malaki na ang maitutulong para magkaroon ka ng energy. At siyempre, ngumiti-ngiti rin. Nakababata ang pagngiti. Nakagaganda rin ng pakiramdam.

UMINOM NG MARAMING TUBIG

energy levelSiyempre, para nga naman mapanatili na­ting malakas ang ating katawan, importante ang pagkain ng masusustansiyang pagkain. Kaila­ngang iwasan din ang mga bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak dahil malaki ang naiaambag nito sa pagiging pagod na pakiramdam.

At kung may kaila­ngang iwasan o bawasan, mayroon nang kailangang kahiligan at iyan ang pag-inom ng maraming tubig. Kapag dehydrated ang ating katawan, talagang makadarama tayo ng pagod. Kaya uminom tayo ng sapat na tubig sa buong araw nang maiwasan ang pakiramdam na pagod.

LUMABAS KASAMA ANG MGA KAIBIGAN AT KAMAG-ANAK

Malaki ang naitutulong ng paglabas kasama ang mga kaibigan at kamag-anak para mapa­natili nating malusog ang ating kabuuan.

Maraming nakaatang sa ating gawain at ma­ging responsibilidad. Pero sa kabila noon, kailangang lumabas din tayo at maglaan ng panahon para sa ating sarili kasama ang mga mahal o importante sa atin.

Nakababawas din ng stress at nadaramang pagod ang paglabas-labas paminsan-minsan kasama ang mga kaibigan at kamag-anak. kaya kung feeling mo pagod at stress ka, isa lang ang ibig  sabihin niyan, kailangan mo ng pahinga. Kailangan mong magsaya.

Maraming pagsubok ang dumarating sa atin. Pero kabi-kabila  mang pagsubok ang sumusunod-sunod sa atin, may mga paraan pa rin kung paano natin ito malalampasan. At kung pakiramdam mo ay pagod na pagod ka, sundin lang  ang mga nakalista sa itaas nang ma-boost ang iyong energy level.   CT SARIGUMBA

Comments are closed.