WAYS PARA MA-ENJOY NG MGA ESTUDYANTE ANG PAGPASOK SA ARAW-ARAW

ESTUDYANTE-16

(ni CS SALUD)

KINATATAMARAN ng ilang estudyante ang pagtungo sa eskuwelahan sa araw-araw. May ilan na sobrang excited. Su­balit may mga mag-aaral ding kinababagutan ang pagtungo sa eskuwelahan at kung maaari lang na huwag nang pumasok, gagawin.

Napakarami na rin ka­sing bagay na nakapagpapawala sa focus ng mga estudyante. Gaya na lang ng computer games at pakikipagbarkada.

Kaya naman, narito ang ilang puwedeng gawin para makapag-enjoy ang bawat estudyante sa pagtungo sa school sa araw-araw:

GUMAWA NG STUDY PLANNER

Iba-iba ang trip ng bawat estudyante. May ibang mahilig sa planner.  Nagtitiyaga pa ngang mag-ipon ng sticker sa mga coffee shop para lang makakuha ng libreng planner.

Importante ang paggawa ng study planner para hindi nakaliligtaan ang mga kailangang gawin. Mas magiging smooth din ang pag-aaral kung nakaplano ang lahat ng ating gagawin.

Kaya mainam ang paggawa o pagkakaroon ng study planner o planner ng mga gawain nang wala kayong makaligtaan, lalo na ang mga mahahalagang bagay. At higit sa lahat ay para na rin ma-schedule kung anong araw o oras mo kailangang mag-aral ng leksiyon.

I-TREAT ANG SARILI

Mainam ding i-treat ang ating sarili. Maraming estudyante na upang maengganyo sa pag-aaral ay nagtutungo sa mga coffee shop. Puwede rin itong subukan lalo pa’t nakapagre-relax at focus ang bawat isa sa atin kapag naiiba ang lugar.

Mahirap din kasing nasa bahay at eskuwelahan lang tayo naglalagi. Paminsan-minsan ay lumabas at i-treat ang sarili.

Maganda rin kung matapos ang klase ay mag-iikot-ikot muna sa mall o sa mga parke nang ma-relax ang utak at katawan.

MATUTONG I-MANAGE ANG STRESS LEVEL

Sadyang hindi nawawala ang stress sa buhay ng tao. Laging nariyan iyan. Nakabuntot sa kahit na sino sa atin. Hindi lamang naman mga estudyante ang nakararanas nito kundi maging ang mga emple­yado. Maging ang walang trabaho nga ay nakadarama nito.

Ang mabuting gawin ng marami sa atin, lalo na ng mga estudyante ay matutong i-manage ng maayos ang nadaramang stress. Marami ang napaririwara dahil sa nadaramang stress. Kung minsan ay kung ano-ano ang naiisip. Para maiwasang mapahamak, pagtuunan ng pansin kung ano-ano iyong mga bagay na nakapagpapa-stress at kung paano ito iha-handle.

Mag-isip din ng mga paraan o gawaing makatutulong upang maibsan ang nadaramang stress.

Isa sa maganda ring paraan para ma-manage ang stress ay ang pagkakaroon ng study session at magkaroon ng study breaks sa pagitan ng bawat session.

KUMAIN NG ALMUSAL

Maraming estudyante na sa kaabalahan ay nakaliligtaan ang pagkain ng almusal. Umaalis ng bahay ng walang laman ang tiyan.

Masama ang walang laman ang tiyan lalo na kung sa school magtutungo. Mahihirapan kasing mag-focus ang isang estudyante kung kumakalam ang tiyan nito.

Kayat importante ang pagkain ng breakfast dahil dito humuhugot ng energy ang bawat estudyante para makapag-concentrate sa school at hindi agad gugutumin.

Makatutulong ang mga gulay at prutas para hindi madaling madapuan ng mga sakit.

MATULOG NG 7-9 HOURS

Ugali rin ng mga estud­yante ngayon ang magpuyat lalo na kapag may projects, thesis at mga gawain na dapat tapusin bago ang deadline.

Hindi makatutulong ang pagpupuyat lalo na sa mga estudyante dahil ang pagtulog ang nagbibigay ng full energy para makapag-focus sa lessons at para hindi antukin habang nagtuturo ang professor.

Kaya siguraduhing nakatulog ng pito hanggang siyam na oras.

MAG-EHERSISYO

Huwag ding kaliligtaan ang pag-eehersisyo. Kahit ang simpleng paglalakad ay mainam gawin para maging healthy ang kabuuan. Kapag healthy rin ang kabuuan ay mas makadarama ng kaligayahan.

MAG-ENJOY

Ano pa man ang ginagawa ng marami sa atin, kailangang ma-enjoy natin ito upang magawa ng maayos.

Kaya naman kung tinatamad ka, mag-isip ng mga bagay na makatutulong upang manatiling focus sa ginagawa at hindi malihis ang isipan.

Isipin din ang magandang hinaharap. Mga pa­ngarap na gusto mong maabot sa buhay. Sa ganitong paraan, mas gaganahan ka sa iyong ginagawa—lalo na sa pag-aaral.

Kung minsan ay nakapapagod na ang mag-aral lalo na kung kaliwa’t kanang problema ang kinahaharap gaya na lang ng problemang pinansiyal at maya’t mayang projects. Gayunpaman, hindi tama ang sumuko. At para maka-survive at ma-enjoy ang araw-araw na pagpasok sa eskuwelahan, isaa-lang-alang ang mga nakasulat sa itaas. (photos mula sa rrc.ca/future-students/, finance.yahoo.com, news.griffith.edu.au, st.ut.ee)

Comments are closed.