MARAMING dahilan kung bakit tila nawawalan tayo ng ganang magpatuloy sa buhay. Mga samu’t saring pagsubok na nagpapadapa at humihila sa atin sa madilim na parte ng ating pananatili sa mundo.
Hindi rin naman maitatanggi ang kaliwa’t kanang problemang yumayakap-yakap sa atin sa araw-araw. Kung minsan din, dala ng depresyon at pagkawala ng ating mahal sa buhay, tila sumusuko tayo. Ayaw nang lumaban. Tila ba nawawalan na tayo ng pag-asang mabuhay pa lalo na kung sumakabilang buhay na ang taong nagpapaligaya at dahilan kung kaya’t lumalaban at nagpapalakas tayo.
Sa pagkawala ng mahal sa buhay o sabihin na nating kapag broken hearted tayo, kasabay nito ang pagmumukmok. Nariyan din ang walang katapusang pag-iyak. At isa pa sa madalas na nangyayari, ang kawalan ng ganang kumain.
Sadyang nararanasan ito ng kahit na sinong dumaraan sa madilim na bahagi ng kanyang buhay. Pero ano’t ano pa man ang dahilan ng pagiging malungkot natin at kawalan ng ganang magpatuloy sa buhay, narito ang ilang tips para maging motivated at malampasan ang pagsubok na pilit nagpapagupo sa atin:
ALALAHANIN ANG PANGARAP O NAIS MONG MAABOT
Isa sa nakatutulong upang mabuhayan ng loob ay ang pag-iisip o pag-alala sa mga gustong maabot sa buhay. Oo, sabihin na nating may isang taong nawala, pero hindi ibig sabihin niyon ay ititigil na rin natin ang ating buhay. Dapat nga ay gamitin natin ang kalungkutan o ang pagkawala ng mahal natin sa buhay para magsumikap pang lalo nang maabot ang pangarap.
Isipin mo na lang, kung ititigil mo ang buhay mo, sa tingin mo ba ay ikatutuwa ito ng mga mahal mo o ng taong nawala sa mundong ito.
Kailangan nating lumaban sa buhay. Maraming pagsubok ang ating kahaharapin. Hindi iyan nawawala. At imbes na igupo tayo ng mga pagsubok, gamitin natin itong tungtungan para maabot natin ang pinakaaasam-asam natin. Gamitin natin ang sakit na nadarama para tumibay at tumapang.
Talunan lang ang sumusuko, tandaan natin iyan.
MAGHANAP NG INSPIRASYON
Kasabay ng lungkot at depresyon ang pagkawala ng gana natin sa buhay. Naglalaho rin ang ating inspirasyon. Mas pinipili nating magmukmok. Mas pinipili nating magkulong.
Hindi masama ang malungkot. Hindi naman bawal ang umiyak. Nakatutulong pa nga ang pag-iyak para maibsan ang kirot na nananahanan sa ating puso. Isang paraan din ang pag-iyak para mailabas natin ang ating saloobin.
Okey lang ang umiyak. Pero matapos kang umiyak, tumayo ka’t lumaban. At isang makatutulong para maipagpatuloy mo ang iyong buhay ay ang paghahanap ng inspirasyon. Ilan sa magandang inspirasyon ay ang pagbabasa ng mga artikulo o librong kumakaharap din sa pagsubok at kung paano nila ito nalampasan. Habang nalalaman natin ang naramdaman ng isang taong kagaya natin ay halos nawawalan na ng pag-asa at nabasa natin ang ginawa nilang paglaban, nagiging daan ito para tumapang tayo at pilitin din ang sariling lumaban. Kung kinaya niya, maiisip mo ring makakaya mo.
Maraming inspirasyon ang maaari nating mamulatan. Baka nga nasa harap mo na ang hinahanap mong inspirasyon, hindi mo nga lang napapansin.
MAGHANAP NG MAKAKAUSAP
Sa mga panahong luha at pighati ang karamay natin, isa sa kailangan natin ay ang mga taong puwedeng pagkatiwalaan. Mga taong nandiyan lang sa tabi natin at handa tayong pakinggan at damayan sa sakit at kirot na pinagdaraanan natin.
Sa panahon ng kalungkutan, hindi tama ang magmukmok at magkulong sa kuwarto. Makatutulong ng malaki ang paglabas ng bahay kasama ang mga kaibigan at kamag-anak. O kaya naman, ang simpleng pakikipag-usap sa kaibigan ay sapat na upang kahit na papaano ay maibsan ang bigat na iyong nadarama.
Kaya kung depressed ka, huwag mong saraduhan ng pinto ang mga kaibigang lumalapit sa iyo at handa kang tulungan. Huwag mo silang itaboy. Kasi kung itataboy mo sila, ikaw lang din ang magdurusa. Ikaw lang din ang mahihirapan.
MAGSULAT NG BLOG O JOURNAL
Kung ikaw naman iyong tipo ng taong walang mapagkakatiwalaang kaibigan, isa naman sa makatutulong sa iyo ay ang pagsusulat ng blog o journal. Maaari mong isulat sa iyong diary o blog ang mga iniisip mo at nararamdaman. Maaari mong ilabas doon lahat ng lungkot at pighating nakadagan sa iyong dibdib.
Sa pamamagitan din ng pagsusulat ng blog o journal, tiyak na luluwag ang iyong loob.
Maraming kabataan ngayon ang ginagawa ito. Ngunit hindi lang naman bagets ang puwedeng sumubok nito upang maibalik ang sayang nawala, kahit na sino ay puwedeng-puwede itong gawin.
MAG-ISIP NG POSITIBO
Lahat naman ng tao, kumakaharap sa pagsubok. Marami ang nakararanas ng depresyon, ng kawalan ng gana sa buhay. Pero hindi ito sapat para itigil natin ang buhay. Sabihin na nating halos nakagutay-gutay ka sa negatibo o masamang nangyari sa buhay mo, pero napakahalaga pa ring sa kabila nito ay ang pag-iisip ng positibo. Tingnan ito sa magandang pangyayari. Tandaan nating lahat ng bagay ay nangyayari nang may dahilan. Kaya iwasan ang pag-iisip ng negatibo. Hindi pa katapusan ng mundo. Oo malungkot ka pero mahabang-mahaba pa ang lalakbayin mo. Huwag kang tumigil. Magpatuloy ka lang.
I-CHALLENGE ANG SARILI
May problema o malungkot ka na nga, ida-down mo pa ang sarili mo. Palalalain mo lang ang pangyayari. Isa pa sa puwede mong subukan ay ang pag-challenge sa sarili. Gumawa ka ng mga bagay na hindi mo inaasahang magagawa mo. At para rin hindi mo maisip ang nakapagpapalungkot sa iyo, keep yourself busy.
Kumbaga, lumabas ka o manood ka ng mga kinahihiligan mong palabas. Puwede rin namang magpa-spa ka para ma-relax. Ang daming paraan. Subukan mo lang.
MAGING MABAIT SA SARILI AT UGALIING MAG-EHERSISYO
Nakawawala ng nadaramang lungkot at depresyon ang pag-eehersisyo, kahit na ang simpleng paglalakad lang. Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong sa mga may depression dahil sa pamamagitan nito ay naglalabas ang katawan ng feel-good endorphins. Sa pamamagitan din ng pag-eehersisyo ay nawawaksi ang pag-iisip ng negatibo at problema.
Hindi maiiwasan ang malungkot at ma-depress ang marami sa atin.
Ngunit maraming paraan para malampasan ito at magkaroon ng ganang ipagpatuloy ang buhay.
Laban lang. Huwag sumuko sa buhay sabihin mang kaliwa’t kanang problema at pagsubok ang kinahaharap natin.
Comments are closed.