(Ni CT SARIGUMBA)
BAKASYON, iyan ang inaasam-asam ng bawat isa sa atin. Sa araw-araw nga namang pag-tatrabaho, kailangan ding ipahinga ang ating katawan at isipan upang makayanan natin ang stress at problemang dadalaw sa ating buhay.
Ngunit problema ng marami sa atin ang kawalan ng sapat na halaga na magagamit sa pagtungo sa ibang lugar o sa gagawing pagbabakasyon.
Hindi nga naman madali ang kumita ng pera sa panahon ngayon lalo na’t patuloy sa pagtaas ang mga bilihin samantalang hindi naman tumataas ang kita ng bawat empleyadong Filipino. Kaya’t naisin mang magbakasyon o ang makapagpahinga, marami ang nag-aalangang gawin ito sapagkat sayang nga naman ang pera. Mas pinipili rin ng ilan ang magtrabaho kaysa sa ang gumastos.
Gayunpaman, importante ring naglalaan tayo ng panahon sa ating sarili at pamilya. Mahalaga ring kahit na minsan o paminsan-minsan ay nagagawa nating makatungtong sa ibang lugar nang lumakas ang ating loob, magkaroon ng mga kakilala at magkaroon ng bagong pag-asa sa kabila ng magulong mundong ating ginagalawan.
Kaya naman, narito ang ilan sa simpleng ways o paraan para maging abot-kamay ang bakasyong inaasam-asam:
MAG-IPON PARA SA NAIS NA PAMAMASYAL
Kinakapos ang marami sa atin kaya’t hindi makapag-ipon, iyan ang laging dahilan ng marami. Kesyo kulang kasi o kakaunti lamang ang kinikita. Kesyo, gagamitin na lang sa pambili ng pagkain o iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ang gagastusin sa pamamasyal.
Oo, kung iisipin nga naman natin ay talagang manghihinayang tayo.
Pero hindi naman pagsasayang o pagwawaldas ng pera ang pamamasyal dahil sobrang daming benepisyong maaaring makuha rito.
Bukod pa roon, kailangan din natin ang mamasyal o mag-relax paminsan-minsan. Malaki ang maitutulong ng pagtungo sa ibang lugar upang makayanan natin ang stress at problemang bumubuntot-buntot sa atin sa araw-araw.
Kaya naman, para ma-achieve ang goal mong mag-travel, mag-ipon. Kahit na paunti-unting pag-iipon ay malaki na ang maga-gawa nito para masimulan mo ang pangarap mong magtungo sa ibang lugar.
Maraming paraan para makapag-ipon. Halimbawa na lang ay ang hindi paggastos o pagbili ng mga ‘di naman mahahalagang bagay. Imbes na ibili mo ng hindi mo naman kailangan, itabi mo na lang at ipunin.
ILISTA ANG MGA PRAYORIDAD SA GAGAWING PAGTA-TRAVEL
Okey, sabihin na nating nagsisimula ka pa lang na mag-ipon. O kaya naman, pinaplano mo pa lang na mag-ipon para makapag-travel. Ngayon pa lang, maglista na ng mga prayoridad sa gagawin o planong pagta-travel.
Halimbawa, mas gusto mong magtungo sa mga museum. Kung gusto mo sa museum, magpo-focus ka sa magagandang muse-um na maaaring dayuhin sa pupuntahan mong lugar. Gayundin ang kakailanganin mo—entrance fee at kung ano-ano pa.
Kung plano mo namang mag-food trip lang o mag-sightseeing, i-research ang mga lugar na masarap kainan. Gayundin ang mga lugar na maganda sa paningin at pakiramdam. Alamin din ang mga presyo ng pagkain at kung ano-anong klase ba ng pagkain ang maaari mong matikman.
Kailangan kasing malaman o may listahan ka ng mga gusto mong gawin sa pupuntahang lugar nang ma-budget mo ang perang ilalaan mo roon.
Kumbaga, magkakaroon ka ng ideya kung magkano ang sakaling magagastos mo sa mga gagawin mong activity.
Pagdating naman sa usapang pagba-budget, maglaan lamang din ng budget at sikaping hindi lalampas doon.
HUWAG SUMABAY SA DAGSA NG TAO
Makatitipid ka rin kung hindi ka sasabay sa dagsa ng tao kung magta-travel. Kapag summer o holidays, paniguradong mama-masyal o magtutungo sa iba’t ibang lugar ang magkakaibigan, magkakapamilya at magkakatrabaho.
Kung sa mga nabanggit na panahon ka rin magta-travel o magpaplanong magbakasyon ay siguradong mas mahal ang ticket at hotel accommodations.
Kaya para makatipid at maging abot-kamay ang pamamasyal, piliin ang off-season. O iyong mga panahong walang gaanong nagbabakasyon.
Bukod nga naman sa makatitipid ka, hindi pa crowded ang pupuntahan mo. Mainam ding kung magta-travel ka ng marami ang kasama. May mga promo o packages din kasing mas mura ninyong maa-avail kung marami kayo o grupo.
MAG-ENJOY AT HUWAG MANGHINAYANG SA GAGASTUSIN
Mag-enjoy kapag narating na ang lugar na nais puntahan. Oo nga’t nakapanghihinayang nga naman ang gumastos. Pero hindi rin natin dapat kaligtaang napakaraming benepisyo ang pagtungo sa iba’t ibang lugar, ang pagre-relax at ang pagpapahinga.
Kumbaga, isa sa investment na hindi mawawala at mananakaw sa iyo ang pagdayo sa iba’t ibang lugar o pagta-travel. Kaliga-yahan din ang dulot ng pagtungo sa iba’t ibang lugar. Nare-relax din tayo. Nare-refresh ang utak. Nagkakaroon din tayo ng tiwala sa ating sarili. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng pagta-travel ay naiipon sa ating hinuha o isipan ang katangi-tanging pangyayaring araw-araw ay iingatan natin at dadalhin o aalalahanin. Masasayang sandaling sa mga panahong niyayakap tayo ng lungkot ay maaari nating balik-balikan—kahit na sa hinuha lamang.
Kung gusto talaga natin, magagawan natin ng paraan. Kaya’t gawan na ng paraan ang kagustuhan mong makarating sa iba’t ibang sulok ng mundo. (photo credits: bg-adventure.com)