(ni CT SARIGUMBA)
NAKATATAMAD nga namang magtrabaho ngayong holiday season. Tila ba gusto na lang nating magpahinga at magsaya kasama ang ating mahal sa buhay.
Oo, may mga empleyadong kapag holiday ay walang trabaho at inuubos ang kanilang panahong maka-bonding ang mahal sa buhay. Ngunit marami rin naman sa atin ang aligaga at nagtutungo sa trabaho sabihin mang Pasko at Bagong Taon.
Kunsabagay, iba-iba rin naman ang demand ng ating trabaho. At kapag ganitong holiday, marami sa atin ang madaling makaramdam ng stress. Kaya naman, narito ang ilang paraan nang maibsan ang stress ng bawat empleyado ngayong holiday season:
TANGGALIN ANG INGGIT SA SISTEMA
Sa totoo lang, talaga nga namang hindi natin maiiwasang mainggit sa ilan na nagsasaya. Kapag may kakilala o kaibigan tayong walang pasok kapag holiday, sinasabi natin sa sariling “sana tayo rin”.
May kanya-kanya tayong obligasyon. May kanya-kanyang kahingian o demand ang trabahong mayroon tayo. Kaya para maiwasan ang ma-stress, tanggalin sa sistema ang inggit. Walang maitutulong ang inggit sa atin. Lalo lang tayong mapasasama kung mainggit tayo. Lalo lamang din nating hindi magagawa ng maayos ang kung ano mang trabahong mayroon tayo.
Kaya, holiday man o hindi, iwasang mainggit.
MAGLAAN NG PANAHONG MAG-EHERSISYO
Nakagaganda ng pakiramdam ang pag-eehersisyo. Nakawawala ito ng stress. At dahil ngayong holiday season ay alam na alam nating maaari tayong ma-stress, gumawa ng paraang makapag-ehersisyo. Kahit na saglit lang na ehersisyo ay swak na upang gumanda ang pakiramdam.
Habang healthy rin tayo at fit, mas nagiging happy tayo.
Ang pag-eeherisyo rin ay maituturing na natural treatment. Bukod din sa pag-eeherisyo, iwasan din ang mga processed food. Ang mga processed food ay nagiging dahilan ng pagiging lethargic at nakasasama ng pakiramdam o mood. Uminom din ng maraming tubig. Iwasan naman ang sobrang pag-inom ng kape dahil nakapagpapa-dehydrate ito.
SIMULAN ANG TRABAHO NG MAS MAAGA
Mas maaga ring simulan ang trabaho nang mas maaga rin itong matapos. Kapag holiday season nga naman, kinatatamaran natin ang tumayo. Minsan, idinadahilan pa natin na holiday naman kaya’t okay lang ang ma-late.
Habang dini-delay mo ang pagsisimula ng iyong gawain, mas lalo ka lang tatamaring magtrabaho. At kapag late ka nang nagsimula, paniguradong magmamadali kang magtrabaho. At sa kamamadali o kaiisip na matapos kaagad ang nakaatang na gawain, maaaring magdulot ito sa atin ng stress. At kapag stress tayo, hindi lamang kalidad ng trabaho ang naaapektuhan gayundin ang ating mga sarili.
I-organize rin ang mga gawain nang matapos ito kaagad.
MAKIPAG-USAP SA MGA KATRABAHO
Isa rin sa nakatutulong upang maibsan ang stress sa trabaho ay ang pakikipag-usap o pakikihalubilo sa mga kasamahan.
Nakapapagod nga naman ang tumutok sa trabaho. Kaya naman, para ma-relax at magawa ng maayos ang mga nakaatang na gawain, matutong makipag-usap sa mga kasamahan sa trabaho.
Puwede rin namang mag-break kayo para magkape.
HUWAG DIBDIBIN ANG MGA BAGAY-BAGAY
May ilan sa atin na sumasama ang loob lalo na kapag may mga bagay na nangyari sa opisinang hindi niya nagustuhan. Una halimbawa riyan ay ang hindi pagkapanalo ng maganda sa raffle. O kaya naman, walang natanggap na regalo sa mga katrabaho o kakilala. Puwede rin namang nasabihan lang ng hindi maganda, nagagalit na kaagad.
Para maiwasan ang stress lalo na sa opisina, huwag dibdibin ang mga bagay-bagay o pangyayari. Kung maliit lang naman, palampasin na lang. Huwag ding agad-agad na magalit kung nasita o nasabihan ng mga katrabaho.
Higit sa lahat, iwanan sa bahay ang kung ano mang problemang kinahaharap. Gayundin, kung ano mang problema sa opisina ay huwag nang iuwi pa sa bahay.
Sa madaling salita, maging propesyunal.
MAG-CELEBRATE AT MAG-RELAX KASAMA ANG MGA KATRABAHO
Lahat naman yata ng mga opisina ay mayroong Christmas party. Isa rin kasi ito sa pinakaaabangan ng bawat empleyado. Sa ganitong panahon, nare-relax ang bawat isa sa atin. Nakapagsasaya rin tayo at naipakikita ang angking galing natin o talento sa mga ganitong pagkakataon.
Bukod din sa Christmas party, puwede ring magplano ang bawat magkakatrabaho ng iba pang party nang ma-relax. Halimbawa na lang ay may trabaho kayo kahit na holiday, puwedeng pagkatapos magtrabaho ay lumabas muna o mamasyal ng kahit saglit lang kasama ang mga katrabaho.
Hindi lamang nito naiibsan ang stress at pagod na nadarama kundi natutulungan pa nitong mapalapit ang loob ng magkakatrabaho.
Maraming paraan upang maibsan ang stress ng bawat empleyado ngayong holiday season. At ilan nga riyan ay ang mga ibinahagi namin sa inyo. Matuto rin tayong balansehin ang ating oras at panahon sa pagtatrabaho, sa pamilya gayundin sa sarili. (photos mula sa cobizmag.com, safetytoolbox-topics.com, hrzone.com, hrexecutive)
Comments are closed.