(ni NENET L. VILLAFANIA)
MATANDA, bata, may ngipin o wala, tila lahat na yata ng tao ay nakararanas ng stress ngayon. Ang stress ay paraan ng ating katawan (at isip) para labanan ang mga bagay na nakagambala sa normal na balanse ng ating pagkatao.
Minsan, hindi naman masama ang stress, dahil puwedeng magtulak ito sa atin na magtagumpay. Ngunit madalas, ang stress ay nakaapekto sa atin sa negatibong paraan. Heto ang ilang paraan para makaiwas sa stress.
DRINK LIKE A FISH
Oy, iwasan ang alak! Pansamantala lang nitong maaalis ang stress at nakasasama pa sa kalusugan. Bumabalik din naman ang problena kapag hindi ka na lasing, may hangover pa. Papangit ka rin, dahil kailan ka ba nakakita ng lasing na guwapo o maganda, lalo na kung nagsusuka at nagsisisigaw sa kalsada?
Ang dapat na inumin ay maraming tubig para hydrated ang katawan.
KUMAIN NG BALANSENG NUTRISYON
Bawasan ang carbohydrates. Magandang diet ang pagkakaroon ng protein at vitamin C sa inyong diet. Bawasan din ang fats.
Ayaw mo nu’n, hindi ka gaanong tataba!
UMIWAS SA CAFFEINE
Mahilig tayo sa kape. Sa umaga pa lang, pagkagising ay kape na ang hinahanap-hanap natin. Pero kailangang iwasan natin ang sobrang caffeine da-hil nakapagdudulot ito ng stress.
MAG-EXERCISE TAYO TUWING UMAGA
The best daw talagang pang-alis ng stress ang exercise, pero puwede namang kahit hindi umaga lang.
Puwedeng hapon, tanghali, gabi, basta sa panahong may kaunti kang oras at puwede kang magpapawis.
Puwede ring exercise ang paglalakad. Pero ako, biking talaga ang exercise ko. Puwede rin namang mag-zumba o kaya naman ay regular na pumunta sa gym
Marami namang bakanteng oras, saka sapat na ang 20-30 minutes na exercise sa araw-araw para mabawasan ang iyong stress.
PASYAL-PASYAL LANG ‘PAG MAY TIME
Hindi mo kailangang gumastos ng malaki sa pamamasyal. Noong araw, pag-bored na bored na ako sa mga ginagawa ko, sumasakay ako sa isang provincial bus (kunyari, papuntang Baguio), tapos, kapag nasa terminal na ako, maglalakad-lakad lang ako ng kaunti at pagkatapos ay sasakay na ako uli pabalik.
Nakalilibang ang mga tanawin habang tumatakbo ang bus, at nakawawala ng stress ang ilang oras na wala kang iniisip.
THINK POSITIVE
Lagi namang may problema, kaya kung padadala ka sa mga ito, ikaw ang talo.
Lagi mong tandaang bawat problema ay may solusyon. Bukod diyan, bakit hindi mo hanapan ng positibong bahagi ng problema?
I-PAMPER MO ANG IYONG SARILI
Hindi naman talagang pamper. Paminsan-minsan, kapag ayokong makipag-usap kahit kanino o wala akong maisulat dahil sumobra ang laman ng utak ko, magpapamasahe ako ng isang oras sa spa, tapos, magpapa-manicure at pedicure, hair spa at facial. Tapos, magwi-window shopping ako.
Window shopping na lang dahil naubos na sa massage, facial at hair spa ang pera ko. Pero pupunta pa rin ako sa “books for less” para bumili ng kahit isang libro lang. Food? Hindi ako masyado riyan kaya hindi siya kasali sa self-pampering ko.
HAVE A GOOD NIGHT SLEEP
Kapag maganda ang tulog, maganda rin ang gising. Kung may insomia ka, huwag ka nang magtaka. Marami ka kasing iniisip.
Bago ka matulog, ganito ang gawin mo: itabi mo muna ang lahat mong problema. Bukas mo na lang uli sila isipin. Mag-hot shower ka para malinis ang katawan at isipan. Tapos, uminom ka ng warm chocolate with milk. (photos mula sa thesartorialist.com, at hushbabysleeping.com)
Comments are closed.