WAYS PARA MAIWASANG MA-STRESS SA TAHANAN

STRESS-TAHANAN

(ni CS SALUD)

HINDI maiiwasang makadarama tayo ng stress. Sa ngayon nga, habang papalapit na ng papalapit ang Pasko ay lalong tumitindi ang traffic. At dahil nga sa traffic, hindi pa tayo nakararating sa ating patutunguhan ay stress na tayo’t sira na ang araw.

Hindi na nga naman maiiwasan ang traffic. Lalo pa nga itong tumitindi. Tila wala ng paraan upang maibsan o masolusyunan ang traffic na nagpapahirap sa bawat Filipino. Malaki rin ang epekto ng traffic sa mga negosyo at negosyante dahil nababawasan ang kita ng mga ito.

Hindi natin maiwasan ang traffic. Ngunit ang inis, puwede nating mabawasan.

Kaya naman, para kumalma at maibsan ang nadaramang stress, isa sa dapat nating pagtuunan ng pansin ay ang pagpapaganda at pag-aayos ng ating tahanan. Kumbaga, gawin nating stress-free ang ating tahanan nang ma-stress man tayo sa kalye o opisina ay makapagre-relax pa din tayo.

Narito ang ilan sa mga paraan upang maiwasang ma-stress ang kahit na sino sa atin pag-uwi natin sa ating mga tahanan:

MAG-CREATE NG ESPASYO O LUGAR NA MAGAGAMIT SA PAGRE-RELAX

RELAXMas masarap magpahinga sa tahanan kung malinis ito at maaliwalas. Ngunit bukod pa roon, mainam din kung maglalaan tayo ng isang lugar o espasyo na magagamit natin sa pagre-relax. Iyong isang lugar na puwede nating pagandahin at doon tayo maglalagi kapag stress.

Kailangan din ng bawat isa sa atin ng sari­ling lugar para ma-relax. Isang lugar na alam na­ting tahimik at walang manggugulo sa atin.

Kaya’t para maiwasan ang stress, mag-create ng relaxation room. Maaari mo rin itong pagandahin at lagyan ng mga bagay na makapagpapa-relax hindi lamang sa paningin kundi maging sa kabuuan.

IWASANG MAGKALAT

Isa pa sa nakaka-stress ay ang makalat na paligid. Kaya naman, upang makapagpahi­ngang mabuti, iwasang magkalat sa bahay o sa kahit na anong parte ng inyong tahanan.

Maiiwasan din ang pagkakalat kung ibabalik sa pinagkakalagyan ang mga gamit o ginamit na bagay.

Para naman sa papel o bills, puwede kang maglagay ng isang box at doon isilid ang mga ito. Maglaan din ng lalagyan o storage box sa mga maliliit na gamit nang hindi ito pakalat-kalat.

Ang pagpapanati­ling malinis at maayos ng buong bahay ay makatutulong upang maiwasan ang stress.

MAGLAGAY NG HALAMAN O MGA BULAKLAK

Nakapagpapa-relax din ang paglalagay ng mga halaman at bulaklak, sa loob man o labas ng tahanan. Gumaganda nga naman ang isang tahanan kapag may naggagandahang bulaklak at halaman sa paligid nito.

Kaya para maiwasan ang stress at sumaya ang kabuuan, maglagay ng mga halaman at bulaklak, hindi lamang sa labas ng inyong bahay kundi maging sa loob nito.

GUMALAW-GALAW SA LOOB NG TAHANAN

Makatutulong din ang paggalaw-galaw sa loob ng tahanan o ang paggawa ng mga simpleng gawain upang ma­ibsan ang nadaramang stress.

Ang mga simpleng task gaya ng pag-aayos ng kama pagkagi­sing, pagwawalis o ang paghuhugas ng pinagkainan ay malaking tulong upang maibsan ang stress.

TANGGALIN SA MGA SAKSAKAN ANG ELECTRONICS NA ‘DI GINAGAMIT

Kasanayan din natin ang pagtatanggal o pag-aalis sa saksakan ng mga electronic na hindi ginagamit nang maiwasan ang stress. Ang dahilan nang pagtatanggal ng mga electronic o gadget sa saksakan kapag hindi ginagamit ay upang maiwasan ang kalat at hindi rin mapalaki ang bayarin sa koryente.

Kahit na sabihin nating hindi naman ginagamit ang gadget pero nakasaksak ito, kumukunsumo pa rin ito ng koryente. At kapag tumaas ang koryente, malamang na ma-stress ka.

Kaya naman, para hindi ma-stress, siguraduhing natatanggal sa saksakan ang mga gadget o electronics na hindi ginagamit. Bukod sa makatitipid ka na sa bayarin sa koryente ay masisiguro mo pang safe kayo at ang inyong tahanan.

GUMAMIT O PUMILI NG MGA KULAY NA NAKAKAKALMA

HALAMAN-2Kapag nakakakalma rin ang mga kulay o bagay na nakikita natin sa loob ng ating tahanan, kumakalma rin ang ating isipan.

Kaya naman, sa pag-aayos ng tahanan ay isaalang-alang ang mga kulay na nakakakalma. Konektado ang mga pinipili nating kulay sa tahanan sa ating pakiramdam o mood. Halimbawa na lang ang kulay blue, nakatutulong ito para maging creative ang isang tao.

Dapat namang iwasan ang pula lalo na sa kuwarto dahil maaari itong makapagpataas ng blood pressure.

Para naman maiwasan at mabawasan ang stress, mainam naman ang mga kulay blue at green. Nakapagbibigay rin ito ng calming environment.

Makatutulong din naman ang paglalagay ng mga nakakakalmang bagay gaya na lang ng scented candle o kaya naman ng essential oil na nakapagpapakalma. Ilan sa essential oil na nakapagpapakalma ay ang Lavender oil, Rose Oil, Ylang Ylang Oil, Jasmine Oil at Chamomile Oil.

MAKIPAG-USAP SA PAMILYA

Pinakamainam ding gawin upang maiwasan ang stress o mabawasan ito ay ang pakikipagkuwentuhan sa pamilya. Bukod din sa nakapagba-bonding kayo ay nagiging mas malapit pa kayo sa isa’t isa at higit sa lahat, nalalaman mo ang mga nangyayari sa bawat miyembro ng iyong pamilya.

Hindi lamang din kapag stress tayo dapat na naglalaan ng panahon sa ating pamilya kundi sa araw-araw.

Hindi lamang sa kalye at opisina tayo maaaring makaramdam ng stress kundi maging sa ating tahanan. Kaya naman, para maiwasan ang stress at manatiling masaya ang kabuuan, isaalang-alang ang tips na ibinahagi namin sa inyo. (photos mula sa thehouseshop, awaken.com, housebeautiful, amara.com)

Comments are closed.