INAASAM ng marami sa atin ang magkaroon ng magandang trabaho. Iyong trabahong gusto at mahal niya. Pero hindi dahil nakuha mo na ang trabahong gusto mo ay magiging okay na ang lahat. Dahil simula pa lang iyan ng kalbaryo mo. Kumbaga, marami kang pagdaraanan na maaaring makaubos ng iyong pasensiya.
Maraming problema o pagsubok ang maaari nating makaharap sa pagtatrabaho. At para malampasan ang kaliwa’t kanang problemang maaaring makasalamuha at maging madali ang pagtatrabaho sa araw-araw, narito ang ilang tips:
GUMISING AT SIMULAN NG MAAGA ANG TRABAHO
Home-based man o hindi ang trabahong mayroon tayo, para maging maluwag at madali ang araw natin, mainam kung gigising at sisimulan ng mas maaga ang pagtatrabaho.
Oo, kahit na sobrang mahal at gusto natin ang trabahong mayroon tayo, dumarating pa rin ang mga pagkakataong sinasalakay tayo ng katamaran. Sa ganitong mga pagkakataon, huwag nating hayaang tamarin tayo.
Habang maaga rin nating nasisimulan ang bawat gawaing nakaatang sa atin, maaga rin natin itong natatapos.
GUMALAW-GALAW NANG MAKAPAG-ISIP
Marami tayong kailangang tapusing trabaho, hindi na iyan bago. Lahat naman tayo ay may mga deadline o kailangang tapusin sa bawat araw. Kung minsan, sa dami ng mga dapat nating tapusin, nakaupo na lang tayo sa ating working station at ayaw nang tumayo. Pakiwari natin, abalang malaki ang maidudulot ng pagtayo. Minsan nga pati ang pagtungo sa banyo at ang pag-inom ay kinaiinisan na nating gawin.
Oo, sandamakmak ang trabahong naghihintay sa atin. Pero hindi ibig sabihin nito ay magpapakapagod na lang tayo at isusubsob ang sarili sa pagtatrabaho kahit na break time.
Kahit na sabihin nating marami tayong trabaho, napakahalaga pa rin ang break o pahinga kahit saglit lang.
At sa tuwing break time, lumayo sa upuan. Makatutulong kung gagalaw-galaw o maglalakad-lakad nang ma-stretch ang katawan.
Kung hindi ka naman gaanong makaisip o hindi magawa ang nakaatang na gawain, isa namang mainam na paraan ay ang paglalakad-lakad. Sa pamamagitan nito ay matutulungan kang makapag-isip at magawa ang trabahong kailangang tapusin.
MAGING POSITIBO AT MAG-FOCUS SA KAILANGANG TAPUSIN
Sabihin na nating maraming problema ang kinahaharap natin sa trabaho. Sabihin na rin nating may mangilan-ngilan na naiinis sa atin o may puna sa ginagawa natin. Pero hindi ibig sabihin nito, magpapaapekto tayo.
Oo, maaaring maapektuhan tayo pero imbes na magmukmok, maaaring magsipag pa tayong lalo para mapagbuti ang ating ginagawa. Imbes na mainis sa mga sumisita o pumupuna, mas mainam kung gagamitin natin iyong ehemplo upang lalo pang pagbutihin ang ginagawa.
Oo, hindi mawawala ang mga katrabahong pasaway. Gayundin ang inggitan sa pagitan ng magkakatrabaho. Gayunpaman, panatilihin natin ang positibong pananaw. Higit sa lahat, mag-focus tayo sa mga kailangang gawin sa goal natin sa buhay at huwag magpapaapekto sa nangyayari sa paligid.
MAKINIG NG MUSIKA NANG MABUHAYAN NG LOOB
May mga opisinang sobrang ingay. Walang ginawa ang mga magkakatrabaho kundi ang magkuwentuhan. May ilan naman na nakabukas ang telebisyon. Samantalang ang iba, abala sa kagagamit ng gadget.
Hindi maiiwasan ang maingay na opisina. At kung hindi ka makapag-concentrate dahil sa mga distraction sa paligid, isa sa mainam gawin ay ang pakikinig ng musika.
Nakatutulong nga naman ang pakikinig ng musika upang mabuhayan ka ng loob. Mainam din ang pakikinig ng musika upang ganahan kang magtrabaho. Higit sa lahat, para hindi mo marinig ang ingay sa paligid at makapag-concentrate ka.
I-MANAGE NG MAAYOS ANG ORAS
Importante ring naima-manage natin ng maayos ang ating oras. Oo, sabihin na nating napakarami nating kailangang tapusin sa buong araw. At sa dami ng mga tatapusin, kinatatamaran na natin ang pagtatrabaho kahit pa hindi pa natin ito nasisimulan.
Kung nalilito sa mga uunahin, makatutulong ang paggawa ng listahan ng mga gagawin. Ilagay sa unahan ang mga trabaho o gawaing kailangang aksiyunan kaagad. Ihuli naman ang mga puwedeng ipagpaliban.
KUMAIN NG MASUSTANSIYA AT MAGPAHINGA
Mas magiging magaan din ang araw mo sa trabaho sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiya. Kailangan nga naman ng ating katawan ang sapat na nutrisyon upang makayanan natin ang hamon sa bawat araw. Kaya naman, napakahalaga ang pagkain ng masustansiya. Huwag din kaliligtaan ang pagpapahinga ng tama nang makabawi ng lakas ang katawan sa maghapong pagtatrabaho. Ibig sabihin, iwasan ang pagpupuyat. Dahil habang puyat tayo, naaapektuhan nito ang ating performance sa pagtatrabaho.
Ugaliin din ang pag-eehersisyo nang makamit ang malusog at malakas na pangangatawan.
MATUTONG HUMINDI O HUMINGI NG TULONG
Matuto rin tayong humindi lalo na kung hindi na natin kaya pang gampanan ang trabahong ibinibigay sa atin. Hindi rin naman masama ang humingi ng tulong. Kung nahihirapan, mainam ang paghingi ng tulogn o suggestion sa mga kasamahan sa trabaho. Kung may mga hindi rin naintindihan sa mga kailangang gawin, mainam din ang pagtatanong nang maliwanagan.
Maraming paraan upang mapadali natin ang pagtatrabaho natin sa araw-araw. Gaya na nga lang ng mga paraang ibinahagi namin sa inyo.
Oo, hindi madali ang magtrabaho. Dumarating ang panahon o oras na napapagod at tinatamad na tayo. Gayunpaman, habang nangangarap tayo at patuloy natin itong gustong tuparin, magkakaroon tayo ng lakas para lumaban at gampanan ang mga nakaatang na gawain. (photos mula sa proofhub.com, today.duke.edu, nytimes.com, buildxact)
Comments are closed.