WAYS PARA MAPAGANDA ANG TAHANAN KAHIT KAPOS O WALANG GAANONG BUDGET

TAHANAN-8

SA KAHIT na anong panahon, art is always in style. Hindi nga naman ito naluluma. Kahit na umulan o umaraw, parati itong patok. Kaya naman para always in style ang iyong bahay, lagyan na ng art. Kumbaga, gamitin ang kakayahan o hilig para mapaganda ang inyong tahanan.

Marami talaga sa atin ang mahilig sa art. Pero hindi rin naman nawawala iyong mga taong kinaaayawan ang art.

Kumbaga, kahit na walang ka-design-design o kabuhay-buhay ang bahay nila, okey lang. Hindi big deal sa kanila.  Ang importante, malinis at nasa ayos ang lahat.

Gayunpaman, hindi dapat tumigil o maging kampante ang isang babae sa pagiging malinis at maayos lang ng bahay, kailangang matuto tayong maglagay ng mga dekorasyon. Dapat ay maging creative tayo.

Kung plain lang kasi ang sala at kuwarto natin, walang dating. Isa pa, mas maganda ang maglagay ng art sa bahay, mas nakatatawag ng pansin. Mas hahangaan ka rin ng mga kakilala at kaibigan mo. Malamang humingi pa sila ng tips sa ‘yo kung paano mo nagawang kakaiba ang bahay mo.

Siyempre, hindi lang ikaw ang matutuwa kundi si Mister.

Mas higit ang kaligayahan ni Mister lalo na kung napupuri ang bahay niya dahil sa pagiging creative ni Misis.

Hindi naman kaila­ngang gumastos ng mahal para lang mapaganda ang ating mga bahay. Dahil may mga puwede tayong gawin para mapaganda iyan kahit na hindi tayo gumastos. Kaya sa mga walang gaanong budget ngunit nag-aasam na mapaganda ang kanilang tahanan, subukan ang ilang paraan na ibabahagi namin sa inyo:

GUMAWA NG PLANO BAGO SIMULAN

ANG GAGAWING PAGPAPAGANDA NG TAHANAN

Importante ang paggawa ng plano bago magsimula sa pagdedekorasyon o pagpapaganda ng tahanan.

Kailangang magkaroon tayo ng maganda at maayos na plano nang magtuloy-tuloy ang gagawing pagpapaganda ng tahanan.

Minsan kasi, dahil sa kakulangan sa budget ay hindi na natin naipagpapatuloy ang naumpisahan nating pagdedekoras­yon ng bahay.

Alamin din kung  ano-anong parte ba ang aayusin. Buong bahay ba? Dingding?

Mga kuwarto?

Kailangang malaman natin kung ano-anong bahagi o parte ng bahay ang pagagandahin nang magkaroon din tayo ng ideya kung magkano ang kakailanganin nating ihandang budget.

Sa pagpaplano rin kasi, dito papasok ang mga kagamitang kaila­ngang bilhin sa pagdedekorasyon.

Gayundin ang mga kasangkapang nais bilhin para sa pag-u-upgrade ng inyong tahanan.

Kailangan din kasing naihahanda natin, hindi lamang ang budget kundi maging ang ating sarili.

PAG-ISIPAN AT PAG-USAPAN ANG GAGAWING DESIGN

Hindi lang naman iisang tao ang dapat na magdesisyon kung anong design ang puwedeng gawin na makapagpapaganda at makapagbibigay ng aliwalas sa buong bahay. Maaaring buong pamilya ang mag-usap-usap at pagkasunduan kung ano nga bang magandang dekorasyon ang puwede ninyong gawin.

Maganda rin iyong buong pamilya ang mag-uusap at magkakasundo sa gagawing design.

Kung buong pamilya nga naman ang mag-uusap, tiyak na maraming ideya ang lalabas. Ikatutuwa rin iyan ng bawat miyembro ng pamilya ang pagpapaganda ng tahanan dahil may naiambag sila.

GAMITIN ANG MGA BAGAY NA MAYROON KA

Kung may mga magaganda ka namang photo, halimbawa na lang ay ang mga kuha ninyo nu’ng nagbakas­yon kayo, puwede mo iyang ipa-develop ng malaki. Ilagay sa magandang frame at may instant pandekorasyon ka na. Hindi ba’t mura lang ang magagastos mo, maganda pa ito. Tamang-tama itong ilagay sa sala.

BAGUHIN ANG PAGKAKAAYOS NG KUWARTO

Hindi rin naman kailangang gumastos pa para lang gumanda o maging maaliwalas ang isang kuwarto o tahanan. Puwede rin naman ka­sing ire-arrange o baguhin ang pagkakaayos ng mga gamit.

Kung sawa ka na sa ayos ng kuwarto o tahanan, maaari mong baguhin ang pagkakaayos nito nang maging kakaiba at bago rin sa paningin.

Puwede ring ibahin ang puwesto ng lamesa, upuan, kama at iba pang furniture sa isang silid o kuwarto.

Sa pag-aayos, huwag ding tatakpan ang mga bintana nang makapasok ang liwanang na nagmumula sa labas.

GUMAWA NG SARILING DEKORASYON

Usong-uso na sa panahon ngayon ang paggawa ng sariling dekorasyon.

Kaysa nga naman ang gumastos at bumili, puwede rin nating subukang gumawa ng mga dekorasyong makapagpapaganda sa ating tahanan.

Puwede rin nating magamit ang mga drawing ng ating anak sa pagpapaganda ng ating tahanan.

Marami namang pa­raan na puwede nating gawin.

Maaari rin tayong mag-research nang magkaroon ng ideya sa kung paano mapagaganda ang tahanan sa abot-kayang halaga.

Kunsabagay, talagang napakarami nating puwedeng gawin para maging  maganda at always in style ang ating bahay.

Maging creative lang, tiyak na ma­pagagan­da na ninyo ang inyong tahanan kahit na wala kayong gaanong budget.

Comments are closed.