(ni CT SARIGUMBA)
KARAMAY na natin ang stress sa araw-araw. Hindi nga naman ito nawawala. Sa trabaho man, sa bahay o personal na buhay, nakadarama tayo ng stress. Kung paano iha-handle ng tama ang stress, ‘yan ang puwede nating gawin o subukan.
Isa sa nakapagpapa-stress ang pagmamaneho lalo na kung traffic at basa pa ang kalsada. Kaya narito ang ilang stress-free driving tips na puwede ninyong subukan sa inyong susunod na roadtrip kasama ang mga kaibigan at kapamilya:
MAAYOS NA PAGPAPLANO
Kung minsan, nagwo-work ang biglaang lakad. Pero may mga pagkakataon ding stress ang dulot nito sa atin. Halimbawa na lang ay kapag male-late na sa lakad o pupuntahan.
Para sa mas matiwasay na paglalakbay, planuhing mabuti ang gagawin. Umalis ng mas maaga nang maiwasang ma-late o ma-stuck sa traffic. Mas less din ang stress kung mas maagang nakaaalis at may sapat na oras sa biyahe. Maiiwasan din ang pagmamadali kung maaga pa lang ay aalis na.
SIGURADUHING MAAYOS ANG SASAKYAN
Importante sa pagbiyahe ang maayos na sasakyan—malayo man o malapit lang ang pupuntahan. Kaya naman, i-check ang sasakyan at siguradong nasa maayos itong kondisyon.
Regular ding i-check ang bawat parte ng sasakyan nang masigurong nasa kondisyon ito o kung may sira man o problema, maaaksiyunan kaagad.
UMINOM NG TUBIG AT KUMAIN BAGO UMALIS
Iwasan ang pag-alis o pagbiyahe ng kumakalam ang tiyan at hindi nakaiinom ng tubig. Mahalagang busog at hydrated habang bumibiyahe nang maiwasan ang pag-init ng ulo.
Marami sa ating sa pagmamadali, hindi na nakakakain ng maayos at nakaiinom ng tubig. Bahala na, laging bukambibig ng marami sa atin.
Mahirap ang bumiyahe ng kumakalam ang sikmura at nauuhaw. Kaya’t siguraduhing sa bawat paglalakbay—malayuan man o malapitan, nakakakain ng mabuti at nakaiinom ng tubig. Magbaon din ng tubig nang mauhaw man sa daan, may maiinom kaagad.
MAGPATUGTOG HABANG BUMIBIYAHE
Isa rin sa pampawala ng stress ang pagpapatugtog o pakikinig ng magagandang musika. Nakakakalma nga naman ang pakikinig ng musika. Nakagaganda ito ng pakiramdam o mood. Kaya naman, kung isa ka sa mga taong love na love ang pakikinig ng musika, magpatugtog habang bumibiyahe.
Huwag lang ding lalakasan ng sobra ang pagpapatugtog nang hindi ka ma-distract.
MAGDALA NG MAPAGKAKAABALAHAN NG MGA BATA
Kung may kasamang bata sa paglalakbay, mainam kung magdadala ng mga bagay na maaari nilang pagkaabalahan nang hindi sila mangulit o mabagot.
Naiinis pa naman tayo kapag nangungulit na ang bagets. Kaya para maiwasang ma-stress lalo na kung may kasamang bagets sa paglalakbay, magdala ng mga bagay na maaari nilang magamit nang ma-entertain sila. Puwedeng magdala ng tablet o libro. O kaya naman, magdala ng papel at lapis para makapag-drawing sila. Puwede rin ang board games nang maaliw habang bumibiyahe.
MAGING KALMADO HABANG NAGMAMANEHO
Iwasan din ang pagiging mainitin ang ulo habang nagmamaneho. Okay, sabihin na nating may mga pangyayari nga naman talagang nakauubos ng pasensiya. Gayunpaman, iwasan ang pagiging mainitin ang ulo anumang sitwasyon ang kinahaharap.
Nakapagdudulot ng problema ang pagiging mainitin ang ulo kaya’t para maging matiwasay ang paglalakbay, habaan ang pasensiya at maging kalmado.
Maraming paraan upang maging matiwasay ang ating paglalakbay o pagmamaneho sa kabila ng samu’t saring problemang maaaring makaharap. Maging handa sa puwedeng mangyari at isaalang-alang ang ilang mga paraang aming ibinahagi. (photos mula sa wuwm.com, travelmamas.com, finerminds.com)
Comments are closed.