TARGET ni dating Olympian Charly Suarez na mapanatiling malinis ang marka bilang professional fighter tungo sa mas matibay na katayuan bilang dominanteng fighter sa super featherweight ng international arena.
Tatangkain ni Suarez, dati ring multi-medalist sa Southeast Asian Games bago napasabak sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil, na madepensahan sa ikalawang pagkakataon ang World Boxing Association (WBA) Asia super featherweight title laban sa matikas ding si Philippine champion Carlo Magali sa Oktubre 23 sa Elorde Boxing Center sa Parañaque City.
“Ready naman tayo. Since nasa National team ako, tinandaan ko na maihanda ang sarili ko physically and mentally. Pero sa haba ng experience ko idinagdag ko na kailangan handa rin tayo maging sa spiritually,” pahayag ng 33-anyos na tubong Sawata, Davao del Norte sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Behrouz Persian Cuisine sa Queozon City.
“Kailangan sa bawat laban natin sa sports man at sa buhay dapat kasama natin ang Panginoon. Ito ang lagi kong sinasabi sa mga kapwa boxer ko at sa mga batang atleta. Kailangan nating magsanay at maghada pero huwag nating kalimutan na samahan lagi ng pagdarasal,” aniya.
Kasalukuyang No.36 si Suarez sa naturang dibisyon ng World Boxing Council (WBC) na kasalukuyang dominado ng American star na si Shakur Stevenson. Tangan niya ang 12-0 marka, tampok ang pitong knockout. Sa kabila ng pagiging ‘late bloomer’ sa pro rank, impresibo ang kampanya ni Suarez, tampok ang 12th round technical knockout win kay Tomjune Mangubat para makamit ang bakanteng WBA Asia belt.
“Kami naman ni Charly (Suarez) ay matagal nang magkasama kaya kabisado na namin ang isa’t isa, basta sa training kung ano ‘yung nakita ko na dapat pang ayusin agad namin pinag-uusapan. Sa kasalukuyan, kondisyon si Charly at magandang laban ang mapapanood ng boxing fans,” sabi ng dati ring amateur internationalist at ngayon ay coach na si Delfin Boholst.
“Malakas din si Carlo (Magal). Malaking pangalan na rin siya sa Philippines boxing kaya hindi rin kami nagpapasiguro, basta tuloy lang kami sa programa namin,” dagdag ni Boholst.
Hawak ni Magali ang ring record na 25 panalo (13KO). Nakatakda sana siyang lumaban sa South Africa noong Aug. 21 ngunit nakansela ang duelo niya kay Ayanda Nkosi para sa World Boxing Federation (WBF) lightweight title fight.
Kabilang sa malalaking panalo ni Magali ang knockout win kay Davey Browne Jr. para sa International Boxing Federation (IBF) Pan Pacific super featherweight belt sa Australia. Naging kampeon din siya sa Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF).
EDWIN ROLLON