KINILALA ng World Boxing Association (WBA) ang kahalagahan ng reputasyon sa pakikipag-ugnayan ng Games and Amusements Board (GAB) kung kaya kagyat itong tumugon sa hinaing ng ahensiya hinggil sa mabagal na pagtugon sa mga isyu na nais mabigyan ng kalinawan ng GAB.
Sa sulat ni WBA president Gilberto Jesus Mendoza na may petsang Pebrero 4, humingi ng paumanhin ang asosasyon sa mabagal na pagtugon sa katanungan ng GAB sa ilang kontrobersiya na kinasangkutan ng Pinoy fighters.
“First of all, I would like to honestly apologize for the delay in our response. Certainly, the communications you have previously sent had not been received by our office directly and somehow were left unanswered,” pahayag ni Mendoza.
“That being said, I would like to reiterate that the WBA will always seek to keep the best relations with all those who make part of this great sport in order to benefit and strengthen our discipline,” aniya.
Matatandaang nagpadala ng dalawang sulat si GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa WBA nitong huli ay may petsang Enero 22 kung saan hiniling ng ahensiya ang ‘urgent constructive dialogue’ upang maresolba ang mga isyu na kinasangkutan at nakaapekto sa career at kabuhayan ng local fighters.
“This is in reference to various issues, involving WBA fights, that have affected the Philippine boxing industry, in which, through this letter, we called the very attention of WBA for urgent constructive dialogue with us, the local boxing commission in the Philippines – the Games and Amusements Board (GAB),” bahagi ng sulat ni Mitra.
Kinondena ni Mitra ang kontrobersiyal na kabiguan na maidepensa ni Filipino boxer Vic Saludar ang kanyang WBA Minimumweight title laban kay Erick Rosa ng Dominican Republic nitong Disyembre 21 kung saan walang ‘neutral judge’ na SOP kung ang laban ay sa bansa ng challenger. Hindi rin kaagad naibigay ang US$35,000 premyo ng Pinoy.
Isyu rin sa WBA ang split decision na kabiguan ni Pinoy boxer Arar Andales noong 2019 nang ideklarang ‘aksidenteng suntok’ ang isang lehitimong patama kay Thai Niyomtrong, gayundin ang agarang pagbawi kay Manny Pacquiao ng kanyang Super Champion belt ‘due to inactivity’.
“For that reason, we would like to invite you to a meeting, ideally via Zoom, to discuss the current situation. Please let us know what day next week would work for you so I can check my availability,” sambit ni Mendoza.
Ikinalugod naman ni Mitra ang pagtugon ng WBA at iginiit na napapanahon ang pakikipagpulong bunsod ng nakatakdang pakikipag-usap ng GAB sa mga Pinoy world champion ngayong Huwebes, kabilang na si Saludar.
“Kung may mga isyu pa tayong malalaman after this meeting. Ipararating natin agad personally sa WBA,” sambit ni Mitra. EDWIN ROLLON