‘WE WON AS ONE’ SA SEAG

MASAlamin

KUMUSTA naman ang mga walang habas na pumupuna sa pagdaraos ng Pinas sa SEA Games? Nakatulog na ba kayo sa pagbibilang ng pagbuhos ng gintong medalya ng Filipinas na pormalidad na lang ang hinihintay upang opisyal nang ideklara na overall champion sa biennial meet.

Kumusta naman ang mga kaldero at kikiam diyan? Aba’y dahil siguro sa walang habas na paghambalos ninyo sa mga organizer ng SEAG kaya ginanahan nang todo ang ating mga atletang Pinoy sa tulong ng kanilang mga coach na sungkitin ang 113 gintong medalya sa umaga pa lamang ng Day 9 ng kompetisyon. Kapantay na nito ang 113 gold medals na nasungkit ng Pinas sa 2005 SEA Games na ginanap din sa Pinas.

At dahil sa determinasyon ng mga atletang Pinoy at pagsisikap ng Duterte administration, Philippine South East Asian Games Organi­zing Committee o Phisgoc, sa pangunguna ni House Speaker Alan Cayetano at iba pang sports officials,  natupad ang pangarap ng sambayanang Filipino na makuha ang korona sa patapos na 30th Southeast Asian Games.

Hindi pa tayo titigil sa 113 gold medals dahil marami pang sports events na lalabanan ang ating mga manlalaro kasama na ang boxing at iba pang sports events. Aba’ y asahan na natin ang patuloy na pamamayagpag at paghakot ng medalya ng ating koponan. Sila po ay inspirado at ganadong maglaro hindi lamang para sa sarili kundi para sa bansa.

Sino ba naman ang ‘di gaganahan sa pagsabak sa laban kung makikita mo ang mga world-class facilities na itinayo ng gobyerno para sa SEA Games.

Panawagan natin sa mga basher at mga pumupuna, bakit ‘di ninyo isama sa pinasasalamatan ngayon ang mga organizer ng SEA Games, pati ang mga volunteer na nagsakripisyo para maidaos nang maayos ang palaro. Bakit kapag bad news, ang bilis ninyong makasisi lalo na kay Speaker Ca­yetano na isa sa mga dahilan kung bakit sa Pinas ginawa ang palaro. O ngayong good news na, ‘di ba puwedeng magsabi ng “Thank you, Speaker Cayetano”. Pasalamatan din ang Pangulo at ang lahat ng tumulong sa SEA Games, ang BCDA , ang DPWH, at iba pang ahensiya ng gobyerno.

At dahil sa tagumpay ng SEA Games, ayan, sa Filipinas na gagawin, partikular sa Aquatic Center sa New Clark City sa Tarlac, ang isang international swimming competition na lalahukan ng 50 bansa. Pati ang turismo ng Filipinas ay  uusbong nang husto dahil dito.

Kaya tayo ay mag-celebrate at palakpakan ang mga atletang Pinoy, lalo na ang mga nakapagtala ng record breaking moments sa 30th SEAG, kabilang na ang pagbasag ni Kristina Knott sa national record ni Lydia de Vega sa 200m women’s run na kanyang pinagreynahan sa loob ng 33 taon.

Tinapos din ng PH men’s volleyball team ang paghahari ng Thailand sa SEAG volleyball event. Nakopo ng grupo ang gintong medalya na sunod-sunod na pinanalunan ng Thailand sa loob ng limang taon. Ang panalo ni surfer Roger Casu­gay ng gold me­dal matapos iligtas ang karibal na Indonesian surfer sa peligro.

Palakpakan natin ang mga atletang Filipino at lahat ng nasa likod sa pagdaraos ng 30th SEA Games.

We WON as one!