KABILANG ang hometown nina Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte na Davao City at Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan ng Caloocan City ang pinakabago sa listahan ng itinuturing na pinakamayamang siyudad sa bansa batay sa report ng Commission on Audit na ipinarating sa Palasyo ng Malacañang.
Ang mabilis na pagbulusok ng Davao City at Caloocan City, ayon sa COA report, ay bunsod na rin ng maigting na pagsisikap nina Mayor Inday Sara Duterte, anak ng Pangulo ng bansa; at Punong Lungsod Oca Malapitan ng Caloocan City na mapaunlad ang kani-kanilang nasasakupan.
Pumasok sa ikawalo at ikasiyam na puwesto sa 10th wealthiest cities sa talaan ng COA ang Caloocan City at Davao City, ayon sa kanilang pagkakasunod.
Nangunguna sa talaan ang Quezon Ciy na may assets na P59.556 bilyon, sumunod ang Makati City, P54.85 bilyon; Manila, P36.102 bilyon; Cebu City, P32.623 bilyon; Pasig City, P29.899 bilyon; Taguig City, P16.268 bilyon; Pasay City, P14.954 bilyon; Caloocan City, P14.702 bilyon; Davao City, P9.899 bilyon; at Iligan City na P9.897 bilyon.
Ang top-10th wealthiest provinces, ayon sa COA report, ay gaya ng mga sumusunod: Cebu, P32.429 bilyon; Rizal, P11.73 bilyon; Negros Occidental, P11.042 bilyon; Batangas, P9.979 bilyon; Bulacan, P8.964 bilyon; Palawan, P8.199 bilyon; Iloilo, P8.144 bilyon; Laguna, P7.556 bilyon; Nueva Ecija, P7.227 bilyon; at Leyte, P7.03 bilyon.
Ang siyudad nina Mayors Sara Duterte at Oca Malapitan na Davao at Caloocan ang pinakabago sa talaan ng COA na mabilis ang pagbulusok sa listahan ng mga itinuturing na maunlad na lugar sa bansa.
Kapuwa tumatakbo bilang mga reelectionist sa kani-kanilang siyudad sina Duterte at Malapitan na walang kalaban sa kanilang nasasakupang lugar dahil marahil sa magandang political performance na ipinamalas ng mga ito at mga nagawang kaunlaran sa kanilang siyudad.
Sa unang pag-upo pa lamang ni Mayor Oca bilang alkalde ng Caloocan City matapos ang kanyang 3-term bilang 1st district congressman, agad itong nagpagawa ng mga pampublikong paaralan sa elementary, high school at kolehiyo, ospital, mga kalsada – kabilang na ang itinayong bagong Caloocan City Hall building at ang kauna-unahang Sports Complex sa siyudad.
Ang iba pang mga newcomer na itinuturing na kabilang sa wealthiest cities and provinces ay ang Claver, Surigao Del Norte; Polomok, South Cotabato; General Trias at Silang, Cavite na nakitaan ng mabilis na pag-unlad sa kanilang lugar.
Samantala, balik-tanaw tayo sa kontrobersiyal na serye ng ‘kidnap-roberry cases’ sa BIR, sinabi ng isang ‘confidential informant’ na patuloy pa rin sa isinasagawang panliligalig ang grupong nasa likod ng sindikato laban sa top officials ng kawanihan na naging biktima at umano’y kanila pang bibiktimahin sa pamamagitan ng pagdukot at panloloob sa mga ito pero wala pa rin ni isang lumalantad upang magharap ng reklamo sa takot na balikan sila at kanilang pamilya kaya nananatili pa ring unsolved cases ito.
Pinalitan naman ni Bureau of Internal Revenue Regional Director Jun Aguila ng mga bagong security guard ang BIR Manila bilang bahagi ng paghihigpit at proteksiyon sa kanyang mga opisyal at empleado kasunod ng patuloy na aktibidad ng ‘kidnap-robbery gang’ na namiminsala sa top officials ng Kawanihan.
Ang pagpapalit ng mga security guard sa BIR Manila ay sanhi ng namataang mga armadong lalaki na nakapasok sa parking lot ng nasabing building na tila may inaabangang tao.
Hindi nagustuhan ni Director Aguila ang maluwag na sistema ng pamamalakad ng security agency kaya ipinasiya nitong palitan lahat ang mga security personnel na naka-assign sa BIR Manila upang maproteksiyunan ang mga opisyal at empleyado ng Kawanihan ng Rentas Internas.
(Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email:[email protected])
Comments are closed.