WEATHER LANG SUMIRIT SA 2021 PHILRACOM SPRINT RACE

TUNAY na panahon ng Weather Lang ang araw ng ratsadahan nang mangibabaw sa limang palaban sa ginanap na 2021 Philracom Sprint Race nitong Linggo sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Hataw ang dehadistang Weather Lang (mula sa lahi ng Brigand at Sky Is The Limit) para pangunahan ang P1.5 milyong karera na may distansiyang 1000 meters. Naiuwi ng Weather Lang ang tampok na premyong P900,000 para sa Running Rich Racing Stable.

Inilagay sa hulihan ng mga aficionado, ginulat ng Ruben Tupaz-trained at Jigger Paano-mounted galloper ang lahat sa impresibong ratsada para gapiin ang liyamadong Asiong, Smokin Saturday, Son Also Rises at Runway.

Humirit ang limang taong gulang na pangarera mula sa pangangasiwa ni Melaine Habla sa huling 500-meters para makasilip sa ikatlong puwesto bago tuluyang lagpasan ang mga karibal, kabilang ang nangungunang Asiong.

Naitala ng Weather Lang ang bilis na 58.4 segundo (12-21’-25) para sa panalo.

Pumangalawa ang Asiong (P337,500), kasunod ang Son Also Rises (P187,500) at Smokin Saturday (P75,000). DWIN ROLLON 

One thought on “WEATHER LANG SUMIRIT SA 2021 PHILRACOM SPRINT RACE”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *