MAYNILA – NANINDIGAN ang naarestong si Rodel Jayme, ang web master na sinasabing nagpapakalat umano ng Bikoy video na nagsasangkot sa pamilya Duterte sa ilegal na drug trade, na wala siyang kinalaman sa nasabing isyu.
Binigyan diin ni Jayme na siya lamang ang gumawa ng website at walang naganap na pag-a-upload ng video o wala siyang kinalaman o partisipasyon sa pag-a-upload ng mga episode ng video sa Facebook, youtube at sa ilan umanong news website.
Sinabi rin ni Jayme na si Mary Nguyen ang maaring nag-upload ng videos.
Si Nguyen ay dati aniya nitong nakasama sa mga sorties sa nakaraang Presidential Election kung saan kapwa sila suporter ng Liberal Party (LP).
Kusa aniya siyang sumama sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng magsagawa ng search warrant sa kanyang tinutuluyan dahil malinis ang kanyang konsensya at wala siyang kinalaman sa isyu kaya naman kanya ring isinurender ang kanyang laptop at cellphone.
Bagamat may pangamba si Jayme sa kanyang buhay at seguridad, naniniwala siyang “safe” siya sa NBI.
Napag-alaman pa kay Jaime na kinausap din siyang magtago muna siya ni Mary Nguyen hanggang matapos ang election ngunit hindi aniya nito ginawa dahil alam niya sa sarili niya na wala siyang kinalaman sa mga kumakalat na videos.
Hindi naman ibinunyag ni Jaime kung sino si Nguyen sa totoong buhay dahil on going pa ang imbestigasyon ng NBI.
Na-inquest na si Jaime sa kasong inciting to sedition habang pag-aaralan pa ng NBI ang kasong child abuse dahil wala pa siyang abogado. PAUL ROLDAN
Comments are closed.