WEBINAR SA PAGGAMIT NG WIKANG FILIPINO SA PHLPOST

Webinar

KASABAY ng pagdiriwang ng Pandaigdigang araw ng serbisyo postal o World Post Day sa ika-09 ng Oktubre,  ay nagsagawa ang Korporasyong Pangkoreo ng Pilipinas o PHLPost sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Online Seminar sa mga kawani ng PHLPost ukol sa paggamit ng Korespondensiya Opisyal sa Wikang Filipino.

Itinatakda ang naturang Webinar upang patuloy na paglingkuran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga interesadong ahensiya at makapagtakda ng petsa ng oryentasyon sa pagsasagawa ng naturang seminar.

Sa patuloy na paglilingkod sa panahon ng pandemya, isinasagawa ng Komisyon ang libreng Seminar sa Korespondensiya Opisyal (SKO) nang online upang makadalo ang mga  kawani ng PHLPost sa mga sangay ng post office sa Cebu, Samar at Tacloban.

Tampok sa Seminar sa Korespondesiya Opisyal ang pagtuturo ng Ortograpiyang Pambansa at paghahanda ng opisyal na korespondensiya gámit ang wikang Filipino.

Isang intensibong pagtuturo sa paggawa ng mga memorandum, resolusyon, liham, at iba pang opisyal na komunikasyon na madalas ginagamit sa serbisyo publiko ang isasagawa.

Ang Webinar ay bilang pagtalima rin sa EO 335 na humihimok sa mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino bílang opisyal na wika ng komunikasyon at korespondensiya sa serbisyo publiko.

Nilagdaan noong 1988 ni dáting Pangulong Corazon Aquino, layunin ng EO 335 na maging instrumento para sa pagkakaisa at kapayapaan ang wikang pambansa tungo sa pambansang kaunlaran.

Comments are closed.