MARAMI sa atin ang sadyang walang gaanong panahon sa pagbabakasyon o pagtungo sa iba’t ibang lugar. Isa nga naman sa nagiging malaking hadlang para makapagbakasyon bukod sa budget ay ang trabaho. Walang katapusang trabaho.
Hindi nga naman puwedeng basta-basta natin iniiwan ang ating mga trabaho. Unang-una, mababawasan ang suweldo natin kapag hindi tayo pumasok lalo na kung wala na tayong leave. May mga trabaho ring mawala ka lang ng isang araw, nagkakagulo o nagkakaroon na ng problema.
Ang ginagawa ng ilan ay ang pagpaplano ng weekend getaway. May iba ngang magkakatrabaho na overnight lang ang ginagawang pamamasyal dahil sa may trabaho pa kinabukasan.
Importante nga naman ang pagtatrabaho. Gayunpaman, mahalaga rin ang pagre-relax at pagbibigay ng panahon sa sarili.
Kung nakapagre-relax kasi ang bawat isa sa atin, nari-refresh ang utak nito at nagiging alisto.
Marami ring naitutulong ang pamamasyal o paglalakbay kahit na saglit lang para sa kabuuan at kalusugan ng isang tao.
Sa mga magkakatrabaho o magkakapamilyang nagpaplanong mag-weekend getaway, narito ang ilang tips para maging masaya at maiwasan ang kahit na anong problema:
PLANUHIN ANG ILALAANG BUDGET
Unang-unang kailangang gawin ay ang pagplanuhan o pag-usapan kung magkano ang inyong ilalaang budget sa gagawing getaway.
May ilang magkakapamilya o magkakatrabaho na toka-toka sa gastos. Mayroong gagastos para sa pagkain, sa titirhan at maging sa iba pang mga kakailanganin.
Bago pa lamang mag-weekend getaway, importanteng alam n’yo na kung magkano ang ilalan ninyong pera.
Maganda itong pag-usapan ng mga magkakaibigan o magkakapamilya. Kung alam n’yo na kasi kung magkano ang ilalaan ninyong budget sa gagawing pagliliwaliw, mas mapadadali ang pagpaplano. Mas makapagdedesisyon din kayo, halimbawa na lang sa kakainin o sa inyong titirhan.
MAGKO-COMMUTE BA O MAGDADALA NG SASAKYAN
Bukod sa paglalaan ng budget o pag-uusap tungkol sa nakalaang halaga sa gagawing pagliliwaliw, napakahalaga ring napag-uusapan at napagpaplanuhan kung paano kayo makararating sa inyong destinasyon. Kumbaga, magko-commute ba kayo o magdadala ng sasakyan.
May ilan na para makatipid sa pagrerenta ng masasakyan ay nagko-commute na lamang. Pero mahirap ding mag-commute lalo na kung palipat-lipat kayo ng sasakyan. Nakapapagod din kasi ang ganoon.
Samantalang ang ilan naman, kung may sasakyan ang isa sa kapamilya o katrabaho iyon ang ginagamit at pinalalagyan na lang ng gas nang hindi rin naman mabigatan ang may-ari nito.
Isa nga naman kasi sa importante para makarating sa pupuntahan ang masasakyan. Kaya naman, pag-usapan ito at pagplanuhan para maging smooth ang gagawing weekend getaway.
MAGRENTA NG BAHAY
Isa ring option para mas maging masaya ang weekend getaway ay ang pagrerenta ng bahay. Kung marami naman kayo, mas maganda ang pagrerenta ng bahay kaysa sa pagre-rent ng kuwarto lang.
Isa kasi sa magandang gawin ay ang mag-relax at maging at home sa isang lugar. At mas magiging at home nga naman tayo kung makagagalaw tayo ng maayos sa isang lugar.
Isa pa sa kagandahan ng pagrerenta ay mas makatitipid kayo dahil puwede kayong magluto kumpura sa kuwarto lang ang rerentahan ninyo.
MAGING TURISTA SA SARILING LUGAR
Kung ayaw n’yo namang lumayo, puwede rin naman ang pagtungo sa mga hotel sa inyong lugar.
Sa panahon ngayon ay napakarami na nating puwedeng pagpiliang hotel o lugar para makapag-unwind at makapag-relax. May mga hotel din naman na abot-kaya lang sa bulsa. Hindi rin nawawala ang mga promo na ino-offer ng bawat hotel na puwede nating i-grab.
Kaya naman, kung overnight lang o gusto lang makapag-bonding ang pamilya o kaibigan, puwede kayong maging turista sa sarili ninyong lugar. At para magawa iyan, isa lang ang kailangan ninyong gawin, ang mag-staycation sa maganda at abot-kayang hotel sa inyong lugar.
May choices naman ang marami sa atin. May mga paraan din para makarating tayo sa ating destinasyon o kung paano natin mai-enjoy ang ating buhay.
Oo, importante ang pagtatrabaho para maibigay natin ang lahat ng pangangailangan ng ating pamilya. Gayunpaman, mahalaga rin na nakapagba-bonding kayo ng iyong pamilya, at mga kaibigan.
Kaya kung may panahon, mamasyal, mag-enjoy at mag-relax. CT SARIGUMBA
Comments are closed.