WELDER HINATAW NG BOTE SA MUKHA

welder

MALABON CITY –NAWALAN ng malay ang isang welder matapos hatawin ng bote ng alak sa mukha ng kainuman makaraan ang mainitang pagtatalo.

Isinugod sa Tondo Medical Center upang magamot ang tinamong pinsala sa mukha ni Romel Balateña, 39, ng 54 Don Basilio Bautista Blvd. Brgy. Dampalit.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Rene Nanca, driver, ng Sitio Sagip Arkong Bato, Valenzuela City.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Roldan Angeles, alas-12 ng ha­ting gabi, nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang kanilang kaibigan sa labas ng bahay ni Balateña nang mauwi sa pagtatalo ang dalawa.

Sa kainitan ng pagtatalo, dumampot ng bote ng alak ang suspek at hinataw sa mukha ang biktima subalit, nagawa nitong idepensa ang sarili.

Muling kumuha ng bote ng alak ang suspek at hinampas uli sa mukha ang biktima na bumagsak at nawalan ng malay habang mabilis namang tumakas si Nanca sa hindi matukoy na direksiyon matapos ang insidente. EVELYN GARCIA