WELDER UTAS SA LOOB NG SEPTIC TANK

CEBU- HINDI na nagawa pang iligtas sa tiyak na kamatayan ang isang welder dahil sa suffocation sa loob ng septic tank sa Barangay Poblacion, bayan ng Dumanjug sa nasabing lalawigan.

Kinilala ang namatay na si Mark Eniego, 28-anyos, residente ng Barangay Kanguha sa Dumanjug.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na ang biktima ay nagtatrabaho kasama ang isa pang manggagawa na si Jerome Merenillo dakong alas-9:00 ng umaga, kamakalawa na habang nagwe-welding sa loob ng isang septic tank malapit sa Dumanjug Public Market ay na-suffocate umano dahil sa hindi kilalang kemikal sa loob ng tangke.

Nagdulot ito ng pagkawala ng malay ng manggagawa habang nasa loob pa rin.

Ayon sa ulat, nakita ng dalawa pang manggagawa ang mga biktima at sinubukang iligtas ang mga ito.

Gayunpaman, halos mawalan din ng malay ang mga ito dahil sa pagkakaroon ng masangsang amoy ng gas at kawalan ng bentilasyon na nag-udyok sa kanila na maglagay ng blower para sa bentilasyon.

Sa pagdating ng mga emergency personnel, ang mga walang malay na manggagawa ay isinugod sa Barili District Hospital.

Si Eniego gayunpaman ay idineklarang dead on arrival ng attending physician bandang als- 9:49 ng umaga.

Lumabas sa pagsusuri ng doktor na ang pagkamatay ng biktima ay dahilan sa acute respiratory distress secondary to toxic inhalation injury. EVELYN GARCIA