WELLMED DIALYSIS CENTER BINAWIAN NG AKREDITASYON

(ANA ROSARIO HERNANDEZ)

PORMAL nang binawi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang akreditasyon ng WellMed Dialysis Center kahapon ng tanghali.

Ayon mismo sa PhilHealth, ay bunsod na rin sa pagkakasangkot ng naturang dialysis center sa ‘ghost kidney dialysis claims,’ na ibinunyag kamakailan ng dalawang dating tauhan nito.

“PhilHealth withdraws WellMed Dialysis Center’s accreditation today, June 18, 2019, in view of fraudulent claims filed on be-half of deceased patients,” anunsiyo ng PhilHealth sa kanilang Twitter account.

Kasabay nito, pinayuhan din ng PhilHealth ang mga ­pasyente ng WellMed na lumipat na lamang sa ibang accredited dialysis facilities upang ma­tiyak na patuloy nilang maa-avail ang kanilang PhilHealth benefits.

“WellMed patients are advised to transfer to other acceredited dialysis facilities to ensure continuous availment of PhilHealth benefits,” dagdag pa nito.

Ang pagbawi ng PhilHealth sa akreditasyon ay kasunod ng nauna nang pagpapahayag ng pagkadismaya si Health Secretary Francisco Duque III nang matukoy na hindi pa binabawi ng PhilHealth ang akreditasyon ng WellMed, sa kabila ng anomalyang kinasangkutan nito.

“Very dismayed ako sa nangyari na iyan. Hindi ko maintindihan kung bakit iyan ay lumalabas na hanggang ngayon [may ac-creditation],” anang kalihim, sa panayam sa radyo nitong Martes ng umaga.

Aniya pa, kaagad siyang tatawag sa officer in charge ng PhilHealth na si John Basa hinggil dito.

“Ako ay tatawag sa [PhilHealth] OIC, si John Basa, at sasabihan ko s’ya, what the heck is happening here dahil long overdue na (pagbawi sa akreditasyon),” aniya.

Tumalima naman kaagad si Basa sa kautusan ni Duque at tulu­yang binawi ang akreditasyon ng WellMed bago mag-ala-1:00 naman ng hapon ng Martes.

Una nang sinabi ni PhilHealth deputy spokesperson Rey Balena, na kinakailangan pa nilang obserbahan ang umiiral na proseso bago mabawi ang akreditas­yon ng dialysis center.

Comments are closed.