CAMP CRAME – KUMIKILOS na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para ikasa ang mga kaso laban sa may-ari ng WellMed Dialysis Center sa Quezon City, ayon kay PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde.
Ang pahayag ni Albayalde ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanila at sa National Bureau of Investigation (NBI) na tugisin ang mga may-ari ng nasabing kompanya.
Dagdag pa ni Albayalde, mayroon na silang inilargang hiwalay na imbestigasyon hinggil sa usapin upang malaman ang puno’t dulo ng kontrobersiya sa ‘ghost dialysis treatment scam’.
Noong isang linggo ay isiniwalat ni dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque na mayroong mahigit 8,000 pekeng kaso ng mga may sakit na kumukubra sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng WellMed.
Noong isang linggo ay nagpatawag ng press conference ang PhilHealth kung saan sinabi na iniimbestigahan na ang insidente ng ilegal claim ng kanilang benepisyo. Inamin ni President and CEO Dr. Roy Ferrer na mayroong grupo na nais sirain ang imahe ng state health insurer at ipinagpalagay na isolated case lang ang nasabing mga kaso.
Samantala, sinabi ni Albayalde na may ikinasa na silang kaso laban sa mga nasa likod ng KAPA Community Ministry International Incorporated na isinasangkot sa umano’y pyramid scam. REA SARMIENTO
Comments are closed.