LOS ANGELES – HINDI masisilayan si Oklahoma City Thunder guard Russell Westbrook, ang 2017 NBA Most Valuable Player, sa susunod na apat na linggo dahil sa pagpapagaling nito mula sa arthroscopic right knee surgery.
Ayon sa koponan, ang 29-anyos na American, isang two-time NBA scoring champion at seven-time NBA All-Star, ay isasailalim sa re-evaluation sa loob ng isang buwan, o walang isang linggo bago bumisita ang Thunder sa defending champion Golden State para sa October 16 opening-night game.
“The Thunder, Westbrook and his representation determined after he experienced inflammation in his knee this past weekend that the best course of action was the proactive procedure,” nakasaad sa statement na ipinalabas ng Thunder.
Ang operasyon ay isinagawa ni Neal ElAttrache sa Los Angeles.
Si Westbrook ay nagtamo ng right knee injury sa 2013 playoffs at sumailalim sa tatlong operasyon sa tuhod noong taong iyon. Lumiban siya sa 20 games lamang sa nakalipas na apat na regular seasons.
Inaasahang gagamitin ng Thunder si German guard Dennis Schroder bilang kapalit ni Westbrook sa training camp, na magsisimula sa Set. 24, at sa pre-season schedule. Si Schroder ay ipinamigay ng Atlanta sa Oklahoma City noong Hulyo.
Si Westbrook ay may average na triple-double para sa ikalawang sunod na kampanya na may 25.4 points, NBA-best 10.3 assists at 10.1 rebounds noong nakaraang season.
Comments are closed.