NAGBABALA ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maging “thing of the past” na lang ang ang 405-hectare na Sasmuan Bangkung Malapad Coastal Wetland sa Sasmuan, Pampanga kung hindi ito poproteksiyonan.
Kaya idineklara na ito ng DENR na critical habitat na ang ecotourism area.
Sa bisa ng Department Administrative Order na nilagdaan ni Environment Secretary Roy Cimatu, ang nasabing coastal wetland ay tatawagin nang Sasmuan Bangkung Malapad Critical Habitat and Ecotourism Area (SBMCHEA).
Pamamahalaan ito ng DENR Region 3 at ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Sasmuan.
Ayon kay DENR regional office executive director Paquito Moreno, ang SBMCHEA ay habitat sa maraming endemic at threatened water birds kabilang ang Philippine duck, Black-faced spoonbill, Chinese egret, Far eastern curlew, Malaysian plover, at iba pang migratory bird species.
Matapos ang deklarasyon, sasailalim na sa istriktong monitoring at enforcement ng environmental laws ang nasabing wetland area.
Sa ilalim ng DAO, mahigpit na ipagbabawal ang pagtatapon ng basura, squatting o pag-occupy sa bahagi ng critical habitat, pagsusunog, logging, quarrying, mineral exploration, at illegal fishing.
Hinimok ni Moreno ang publiko na isumbong sa DENR kung may makikitang lumalabag.