WHANG-OD, NATIONAL CULTURAL TREASURES PROTEKSIYUNAN

BINUHAY ni Senadora Imee Marcos ang kanyang resolusyon na nananawagang gumawa ng batas na magbibigay-proteksiyon sa indigenous peoples (IPs) kontra sa mga paglapastangan sa kanilang mga minanang kultura.

Ito’y sa gitna ng kontrobersiya sa pagitan ng kilala sa buong mundo na Kalinga mambabatok (tattooist) na si Whang-Od at ang popular na vlogger na si Nas Daily.

Ang kontrata diumanong nilagdaan ng 104-year-old na si Whang-Od para magturo ng “tattoo masterclass” online ang nag-udyok sa kanyang apo na tawaging “scam” si Nas Daily, nagsabing nagpo-promote lamang siya ng naglalaho nang tradisyon at ibabahagi naman ang kikitain mula sa P750 bayad sa bawat subscriber.

Binigyang diin ni Marcos, chairman ng committee on cultural communities, ang kahalagahan ng pagiging sensitibo sa kultura ng IPs lalo na kung sangkot dito ang pansariling promosyon at kung ito’y pang-komersiyal na pagkakakitaan.

“Ang problema, wala tayong legal na depinisyon kung ano ang bumubuo sa cultural misappropriation o paglapastangan sa minanang kultura ng IPs. Hangga’t hindi natin ito ginagawa, mananatiling bantad ang mga katutubo o IPs sa mga pang-aabuso,” giit ni Marcos.

“Ramdam ng Indigenous people na hindi sila napapahalagahan, ninanakaw pa ang kanilang kostumbre, tradisyon at paraan ng kanilang pagpapabatid ng kanilang kultura na may espirituwal na kahalagahan pero tinatrato lang ng mga taga-lunsod bilang isang bagay at potensyal na pagkakakitaan,” diin ni Marcos.

“Hindi ito ang unang pagkakataon na hindi nabigyang halaga si Apo Whang-Od,” ani Marcos na tinutukoy ang mga nagdaang reklamo ng Kalinga Tourism Service sa New Era Cap Co.’s na gumawa ng collection ng Whang-Od t-shirts.

Inireklamo rin ng mga lider ng mga katutubo ang mga sandalyas ng Tribu Nation na ginamit ang pangalan ng Kankana-ey, bukod pa sa dalawang ipinangalan din sa Yakan ng Basilan at sa Manobo ng Northern Mindanao.

Dagdag pa ni Marcos, nilapastangan o binastos din ang T’boli community sa southwestern Mindanao dahil ginamit ang kanilang sagradong T’nalak textile para sa isang sapatos.

Ang mga insidenteng ito ang dahilan para ihain ni Marcos ang Senate Resolution 517 noong nakaraang Setyembre na nananawagang imbestigahan at gumawa ng batas para klaruhin at mapanagot ang mga paglapastangan sa ‘cultural heritage ‘ ng mga katutubo.

“Kailangan natin ng bagong pagbalangkas sa IPO (Intellectual Property Office) framework na magbibigay-pahintulot sa pang-komunidad na intellectual property, at hindi lamang sa indibidwal na IP ownership. Lalo na’t kailangang panghabang-buhay dapat na maangkin ng mga katutubo ang kanilang mga kultura at hindi pansamantala lang na nakasaad sa kasalukuyang intellectual property laws,” paliwanag ni Marcos. VICKY CERVALES

Comments are closed.