WHEELCHAIR RACER MANGLIWAN BIGONG MAKA-PODIUM SA PARALYMPICS

BIGONG magwagi ng medalya si wheelchair racer Jerrold Mangliwan ng Pilipinas sa Paris Paralympics men’s 400m T52 event sa Stade de France Sabado ng umaga (Manila time).

Nagtala si Mangliwan ng 1:04.55 upang tumapos sa eighth at last sa final round na dinomina ni Maxime Carabin ng Belgium, na kinuha ang gold medal sa oras na 55.10 seconds.

Nagtala si Carabin, may-ari ng world record na 52.0 seconds, ng Paralympic record na 54.48 sa heats, kung saan tumapos si Mangliwan sa seventh sa 1:05.79.‌

Naorasan si Japanese Tomoki Sato ng 56.26 seconds upang kunin ang silver medal habang nagkasya ang kanyang kababayang si Tomoya sa bronze sa 1:01.08.

Si Mangliwan, 44, ay may isa pang pagkakataon na manalo ng medalya sa Games sa September 6 sa kanyang pagsabak sa 100m 52 event.

Sa parehong event sa Asian Para Games sa Hangzhou noong nakaraang taon, si Mangliwan ay nagwagi ng silver medal habang nasungkit niya ang gold sa 400m race.